Alas kwatro pa lamang ng umaga ay magsisimula na naman ang panibagong araw para kay Sylvia. Hindi pa man sumisikat ang araw ay nagsasaka na siya kasama ang kanilang buong komunidad.
Kasabay ng pag-aaral, gumagawa na rin niya ang mga gawaing bahay gaya ng paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng buong bahay. Matapos nito ay bumabalik ulit sila sa kanilang sakahan. Ito ang buhay na kanyang kinagisnan hanggang sa, isang araw, dumating ang mga hindi pamilyar na mukha sa kanilang komunidad.
Sa kalagitnaan ng kanilang klase sa MAPEH ay may pumasok na lalaking nakasuot ng kulay berde at kayumanggi. Takot ang nanaig sa kanilang mga kalamnan, at katahimikan ang bumalot sa silid.
Isang kalabit sa gatilyo ng baril. Ani Sylvia, nasaksihan ng kanyang mga mata ang ginawang pamamaslang ng militar sa kanilang mga lider habang sila ay tumatakas sa kanilang silid-aralan.
Wala silang magawa noong mga oras na iyon kung ‘di sumunod sa utos ng mga unipormadong lalaki. Ipinipilit ng militar na sila ay miyembro ng New People’s Army (NPA). “Napilitan lang po ‘yung community namin na sumama sa pagrarally ng militar, kasi kung ‘di sumama yung mga tao sa komunidad ay sasabihan nila na papatayin at ililibing nang buhay.”
Ang banta ng militar sa kanilang lugar ay pinaigting pa ng martial law sa Mindanao. Simula ika-23 ng Mayo 2017, umabot na sa pangatlong ekstensyon na magtatapos sa Disyembre ang nasabing polisiya.
Kung kaya naman, muling nagtungo ang mga pambansang minorya sa UP Diliman upang itatag ang “bakwit school.” Ang “bakwit” ay isang termino ng mga taga-Mindanao na nagtatampok sa walang katapusang pag-alis ng mga pambansang minorya sa kanilang komunidad dahil sa walang humpay na pananakot sa kanila.
Mas naging madalas ang pagbabakwit matapos magbanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang pasasabugin ang mga Lumad schools.
Ang kanilang pagdating noong ika-26 ng Enero ay mainit na sinalubong ng buong komunidad ng UP. Sa kasalukuyan ay namamalagi sa College of Home Economics (CHE) ang mga lumad.
Ayon kay Rose, isang volunteer na guro ng mga Lumad, malaki ang importansya ng mga inaaral ng mga bata sa paaralan, dahil ang mga ito’y nakabatay sa materyal na kinakaharap nila. Sa kanilang pagtira sa kabundukan, umiikot ang kanilang pamumuhay sa kung ano ang makatutulong sa kanilang komunidad.
“Ang buhay namin ay lupa, at ang lupa ay buhay,” sambit niya. Ang pagsasaka ay kasama sa curriculum ng Lumad schools dahil ito ang kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay sa pang araw-araw.
Nagagamit ng mga mag-aaral ang kanilang natututunan sa paaralan upang pabilisin at gawing mas mayabong ang kanilang pamumuhay.
Dagdag pa niya na natututunan ng mga bata ang payak na pamumuhay dahil para sa lahat ang kanilang mga gawain. Dahil gaya ni Sylvia at ng marami pang mga estudyanteng Lumad, nais nilang mamulat sa tunay na kalagayan at kasaysayan ng bansa at ng mga pambansang minorya.
Bagaman nagpapatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng “bakwit school,” lihis pa rin sila sa kanilang mga komunidad dahil sa banta ng batas militar sa Mindanao. Ang kanilang pangkaraniwang mga gawain ay natigil dahil rito.
Ngunit para sa mga batang Lumad, hindi nila basta-basta isusuko ang yaman na dala ng mapayapang pamumuhay sa Mindanao. Para sa kanila, ito ang susi sa pagtupad ng kanilang mga pangarap. “Pangarap ng mga batang ito ang mas makatulong pa sa kanilang komunidad, kaya pursigido silang tapusin ang kanilang pag-aaral,” ika ni Rose.
Latest Posts