Design | Audrei Mendador
Maging Drag Queen ay ‘di biro,
Maghapong Magdamag nakatayo,
‘Di man lang makaupo,
‘Di man lang magkabenepisyo.
Tuwing Mayo, ipinagdiriwang ang Buwan ng mga Manggagawa. Kadalasang binibigyang-pugay ang mga guro, tsuper, manininda at iba pang kabilang sa pormal na sektor. Sa kabilang banda, may isang uri ng manggagawang nananatili sa dilim.
Makinang ang sequins na bumabalot sa makukulay nilang saplot na mistulang uniporme. Opisina nila ang entablado sa loob ng madilim na bar. Trabaho nilang magbigay-aliw at maghain ng fantasy sa madla.
Kakaiba man ang porma ng kanilang propesyon, manggagawa rin ang mga drag queen.
Isa si Ghulli Ghush, 30 taong gulang, sa mga nabubuhay sa mundo ng mga manggagawang baligtad ang oras: tulog sa umaga, gising sa gabi.
Nagsimula ang kaniyang karera noong 2017 nang maging personal assistant siya ng kaniyang kaibigang drag queen. Sa halos gabi-gabing paglalagi sa mga nightclub, hindi kalauna’y naengganyo’t nahalina siya sa liwanag ng entablado at dagundong ng musika.
Karaniwang nagsisimula sa Lunes ang linggo ng isang ordinaryong empleyado, ngunit para kay Ghulli, Huwebes ang simula ng kalbaryo’t ligaya. Regular performer siya sa isang bar sa Makati, ngunit maswerte na kung may dalawang beses siyang makapagtanghal sa isang linggo.
Sa industriyang drag, ang pagiging regular o pagkakaroon ng “home bar” ay hindi nangangahulugan ng “permanenteng trabaho.” Walang kontrata, benepisyo o kasulatang nagpapatunay na sila ay mga empleyado — ‘yan ang realidad ng isang drag queen. Freelancers sa madaling salita.
Sa tala ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2024, tinatayang nasa 1.5 milyon ang freelance workers sa bansa. Kabilang na rito ang mga drag queen.
Mula noong 1974, hindi sakop ng Labor Code of the Philippines o ng Presidential Decree No. 442 ang mga freelancer dahil sa kawalan ng “employer-employee relationship” na siyang pangunahing batayan para matamasa ang mga benepisyo at proteksyong dala ng batas. Nakasaad dito na dapat may minimum wage, 13th-month pay at paid leave ang mga manggagawa. Mandato rin ng Labor Code ang pagkakaroon ng social security benefits gaya ng SSS at PhilHealth.
Pero malabong matamasa ng mga freelancer na tulad ni Ghulli ang mga benepisyong ito.
Kamakailan lamang, nagsara ang telon para sa drag queen sa isa pang bar na pinagtatrabahuhan niya. Kakaunti kasi ang mga taong nanonood dahil weekday at matumal ang mga parokyano, kaya’t napilitan ang management ng bar na tanggalin sila.
“Hindi nawawala ‘yong takot na bigla na lang kaming mawalan ng trabaho,” ani Ghulli.
Marahil dahil sa glamorosang ayos at postura, madaling akalaing lukratibo ang kanilang industriya. Ngunit ang realidad, malaking sugal ang pagda-drag.
“Magastos ang drag. P5,000 ang magandang klase ng wig, ang make-up din mahal, may damit ka pa na [customized], sapatos din,” paliwanag ni Ghulli. “Pero dahil sa passion tuloy pa rin.”
Sa kabila ng malaking puhunan, kakarampot lamang ang kitang bumabalik sa kanila. Sa isang gabing pagtatanghal na nagsisimula tuwing alas singko ng hapon para sa pag-aayos at minsa’y natatapos na nang alas singko ng umaga kinabukasan, kumikita lamang si Ghulli ng dalawang libong piso.
“Maswerte nga kami kasi sa ganitong panahon mainstream na ang drag. Noon, naranasan kong P500 lang ang [talent fee]. Kapag walang masyadong tao, kalahati o minsan one-fourth lang ang bayad,” saad niya.
Umaasa rin ang mga drag queen sa mga tip na iniaabot ng audience.
“Kaya support local drag queens talaga,” saad ni Ghullli.
Sa kabila ng paglaki ng drag bilang isang industriya dahil sa mga show tulad ng “Drag Race Philippines” at “Drag Den”, wala pa ring mga batas na pumoprotekta sa karapatang pangmanggagawa ng mga drag queen.
May isang pagkakataong napuruhan ang hita ni Ghulli sa kalagitnaan ng kaniyang performance. Ngunit walang ipinaabot na tulong pinansyal at medikal ang kaniyang amo. Pinagpahinga lamang siya nang ilang araw — hindi pinag-show.
Kawalan ng regular na oras ng trabaho, walang siguradong mga benepisyo at higit sa lahat, hindi pantay at nakabubuhay na sahod ang ilan lamang sa mga isyung kinahaharap ng mga drag queen gaya ni Ghulli.
Kaya’t patuloy pa rin ang pagkalampag nila para sa pagsusulong ng pantay na karapatang pangmanggagawa: patas na benepisyo, nakabubuhay na suweldo at proteksyon laban sa pang-aabuso sa loob ng mga labor-related na isyu.
“Ang drag ay passion, pero hindi ito libre. Magastos at nakakapagod, lalo pang pataas ang presyo ng mga bilihin,” ani Ghulli. “[Pero] para sa passion, tuloy pa rin.”
Author
Latest Posts