Illustration | Audrei Mendador
Para sa 21-anyos na si Aya, hindi niya tunay na pangalan, mahirap yakapin ang mundong tila itinakda na para sa kaniya bago pa man siya isilang.
“Muslim ako sa birth certificate,” wika niya.
Bagama’t kinalakihan ang pag-iwas sa karne ng baboy at ang pag-aayuno tuwing buwan ng Ramadan, hindi kinagisnan ni Aya ang kulturang Muslim, tulad ng pagsusuot ng hijab. Para sa kaniya, ang pananampalataya ay higit pa sa mga nakagawiang ritwal at tradisyong inuulit taon-taon.
Pagtuntong sa kolehiyo, lumipat siya sa Mindanao State University (MSU) sa Lungsod ng Marawi, ilang baryo ang layo mula sa kaniyang tahanan. Kaya naman kinailangan niyang makitira sa pamilya ng kaniyang tita, dahil malapit lang ang bahay nila sa unibersidad.
Pabor ang ina ni Aya sa desisyong ito sa pag-asang mas mapapalapit ang kanilang anak sa relihiyon dahil malalim ang ugat ng komunidad sa tradisyong Islamiko at kulturang Maranaw.
Ngunit sa pagdating niya roon, mas marami pang tanong ang sumalubong kaysa mga sagot.
“Iyong mama ko talaga, sinasabi niya talaga na ‘Islam tayo. Ito yung hindi natin gagawin: [hindi puwedeng] kumain ng baboy.’ Pero ang dami ko palang kailangan pang malaman,” kuwento ni Aya.
Sa kaniyang paglipat, unang payo ng kaniyang ina ang pagsusuot ng hijab — hindi lamang bilang simbolo ng pananampalataya, kundi bilang proteksyon. “Sinasabi ng mama ko, na ‘mag-hijab ka, it will protect you and everyone else,’” aniya.
Subalit taliwas sa inaasahan ng kaniyang ina ang naging danas ni Aya.
Natuklasan niyang sa loob ng komunidad, Muslim man o hindi, binibigyan ng mataas na antas ng respeto ang mga kababaihan. Inilalarawan niya ang pagtrato sa mga babae roon na tila mga “brilyanteng” lubos na pinahahalagahan at iniingatan.
“Sabi rin nila na [kapag] nakahijab yung mga babae [rito], they are slaves, they are restrained, nakakulong sila”, wika ni Aya. “Pagpunta ko naman dito, hindi naman. Parang gano’n kalakas yung faith nila kaya sila nakahijab.”
Sa tulong ng mga kaibigan, mas lumalim ang kaniyang pag-unawa sa relihiyon, lalo na tuwing sasapit ang Ramadan.
“Grabe talaga ‘yong commitment nila and I’m not just talking about fasting, I’m talking about praying every day [kahit] gabi na masyado,” paglalahad niya.
Bilib din si Aya sa sakripisyo ng mga ina. Saksi siya sa kung paano bumabangon ang kaniyang tiyahin tuwing papatak ang alas-tres ng madaling-araw upang maghanda ng pagkain para sa pamilya bago harapin ang maghapong trabaho pagsikat ng araw.
Gaya ng kanilang pananampalataya tuwing Ramadan, naging panata na rin ng mga kababaihan ang kanilang presensiya at serbisyo sa pamilya — isang debosyong hindi nagtatapos sa buwan ng pag-aayuno, kundi nagpapatuloy sa bawat araw ng kanilang buhay.
Sa kabila ng paghanga, may mga hangganan pa ring hindi tuluyang matawid.
Naging pader sa pagitan ni Aya at ng komunidad ang hindi niya pagkaalam sa wikang Maranaw. “Hindi ko rin sila makausap because there’s the language barrier,” saad niya. “Tina-try nila akong isali sa mga samba pero hindi rin ako makasali kasi hindi ko alam paano mag-pray.”
Sa bawat araw na kinikilala ni Aya ang kaniyang pinagmulan, unti-unti rin niyang natutuklasan ang sarili — ang mga gusto at hindi, ang mga limitasyon at posibilidad.
“Mas gusto ko siyang kilalanin kasi ang ganda niya nga. [Dahil] mas nakilala ko [rin], mas na-realize ko na hindi ko kaya yung ginagawa nila,” pag-amin niya.
Matapos ang ilang buwang pagsusuot ng hijab, nagpasya si Aya na ihinto ito. Para sa kaniya, ang pagiging Muslim ay hindi nasusukat sa panlabas na kasuotan. Mayroon itong kaakibat na pananagutan at malalim na panatang dapat panindigan.
Hindi naging madali ang desisyong ito. Nang alisin niya ang kaniyang hijab, agad siyang nakaranas ng panghuhusga mula sa ibang tao.
“Hindi ko lang kasi dala yung [sarili ko] kapag jina-judge mo ako. Parang dala ko rin yung sa mama ko, [kung] paano niya [ako] pinalaki. Ayaw ko [na] may masabi sila sa mama ko,” paliwanag ni Aya.
Kaya naman naging mahirap din para sa kaniya na ilantad ang kaniyang sekswalidad. Kung relihiyon pa lang ay isa nang malaking usapin, lalo pa kapag nadiskubre ang sariling pagkakakilanlan.
“Imagine, not practicing Islam; hindi na nga siya nagkukumbong, tapos bakla pa [ako],” pag-amin niya.
Paliwanag pa niya,sa kanilang relihiyon, kapag ikaw ay bakla, “hindi mo kilala ang Diyos.” Para sa kanilang kultura, natatapakan nito ang konsepto ng “maratabat” o Muslim pride.
Higit sa pagkilala sa sarili ang pananagutan ni Aya sa pamilya. Mahirap tanggapin ang kaniyang sitwasyon dahil may kaukulang kahihiyan hindi lamang para sa kaniya, kundi sa buong angkang kinabibilangan niya. Minsan pa’y umaabot hanggang sa bigat ng kamatayan ang parusa sa paglabag.
“Kasi [ka]pag sinabi yung maratabat, it would go to the lengths of death in very extreme cases na very traditional talaga na Muslim pride,” aniya.
Sa pagitan ng pagyakap sa kaniyang kinamulatang pananampalataya at sa paghahanap ng sariling espiritwalidad, tahimik na tinatahak ni Aya ang kaniyang paglalakbay.
“Religion is something we are born into. I think [there] should be a choice. Pero ngayon kasi, ayaw ko rin masaktan iyong mama ko,” saad niya.
“Siguro,” dagdag ni Aya, “being out of place is a choice.”
Habang binabaybay ang pagitan ng dalawang mundo, nananatili ang mithiin ni Aya: ang mabuo ang sariling pagkatao sa kabila ng mga hulmahang pilit na ipinapataw ng mundo sa kaniya.
Author
Latest Posts