
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), ipinangalandakan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga naging tagumpay ng kanyang administrasyon sa unang taon niyang pag-upo sa Malacañang. Ngunit para sa mga marhinalisadong sektor na nabubuhay sa araw-araw na paghihikahos, pumalpak ang rehimen na pagbutihin ang sitwasyong pampulitikal at pang-ekonomiya ng bansa.
Basahin ang naging panayam ng Union of Journalists of the Philippines – UP sa mga dumalo sa #SONAngBayan2023 noong Lunes, Hulyo 24, na nagpaabot ng kanilang mga panawagan para sa lupa, trabaho, edukasyon, at karapatang pantao.

‘Bagsak’ ang gradong ibinigay ni Eufemia Cullamat, council member ng SANDUGO – Kilusan ng mga Katutubo at Moro para sa Sariling Pagpapasiya, sa administrasyon ni Pang. Marcos Jr. sa kawalan nito ng pagtugon sa lumalalang pag-atake sa pambansang minorya tulad ng kanyang komunidad.
“Matagal na naming inaasahang marinig na pangunahin niyang [Pang. Marcos Jr.] bigyang-pansin ang pambansang minorya na matagal nang namumuhay sa lupang ninuno,” saad ni Cullamat.
Ayon sa kanya, pinipigilan ng militarisasyon sa kanayunan ang pag-unlad ng kanilang mga komunidad at nagiging banta pa sa kanilang seguridad at mga buhay. Kinundena niya ang pagpayag ng administrasyon na magtayo ng mga bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Cagayan na banta sa kanilang lupang ninuno.
“[A]ng paninindigan ng pambansang minorya para depensehan ang lupang ninuno ay hindi lamang para sa pambansang minorya kundi para sa buong mamamayang Pilipino,” dagdag pa niya.

Pagbabasura sa 2017-011 Omnibus Franchising Guidelines at sa Oil Deregulation Law — ‘yan ang naging panawagan ni Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng Pinagkaisang Samahan mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), sa kanyang paglahok sa #SONAngBayan Lunes, Hulyo 24, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Giit niya, dismayado ang hanay ng mga tsuper at opereytor dahil hindi ipinakita ng administrasyon ni Pang. Marcos Jr. ang kagustuhan nitong tulungan ang kanilang hanay na panatilihin ang kanilang kabuhayan.
Kabilang sa PUV modernization program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang route rationalization o pagpapaikli ng ruta ng mga PUVs na inaasahang magpapagaan ng sitwasyon ng pampublikong transportasyon. Ngunit para kay Floranda, mahalagang maging katuwang ng pamahalaan ang kanilang hanay upang mas mapag-aralan ang proyektong ito at masigurong hindi magigipit ang mga tsuper at opereytor.
Mungkahi rin niya sa administrasyon na magtayo ng pambansang industriya na lilikha ng mga PUVs.
“Kung layunin ng gobyerno na ayusin ang ating public transport, dapat inaatupag ng gobyerno ang pagtatayo ng sariling industriya dito sa ating bansa. Tayo mismo ay may kapasidad [na] lumikha ng jeep o iba’t ibang klase ng sasakyan, lalo na kung ito ay may kaakibat na suporta ng pamahalaan.”

Sa kanyang pag-upo bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA), naging bingi si Pang. Marcos Jr. sa mga panawagan ng mga food security frontliners tulad ng mga magsasaka, giit ni Cathy Estavillo, Secretary-General ng AMIHAN.
Ayon kay Estavillo, ang pagbibigay-prayoridad ng administrasyon sa importasyon ang kumitil sa kabuhayan ng maraming magsasaka sa kanayunan. Ito ang nagtutulak sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural, lalo ng bigas.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas nang P0.07 hanggang P1.00 ang presyo ng bigas sa unang bahagi ng Hunyo 2023.
Matatandaan din na noong Agosto 2022, inimbestigahan ng senado ang maanumalyang planong importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal sa ilalim ng Sugar Order No. 4. Ilang linggo matapos ang isyu, bumaba sa pwesto ang Executive Secretary ng pangulo na si Vic Rodriguez.
“Hangga’t liberalized ang industriya ng ating agrikultura, magpapatuloy ‘yung napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin,” giit ni Estavillo.
Dagdag pa niya, ‘inutil at pabaya’ ang pamahalaan dahil sa hindi maayos na pagtugon sa isyu ng pambabarat, hoarding, at smuggling na mga pangunahing salarin sa paghina ng industriya ng agrikultura sa bansa. Bunsod nito, ipinanawagan niya ang pagbaba sa pwesto ni Pang. Marcos Jr. bilang kalihim ng DA.
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir