Illustration | Audrei Mendador
Sumalampak ako sa aming malaking sofa nang makauwi ako bandang alas-singko ng gabi. Nadatnan kong magulo ang sala. Ang mga gamit sa paaralan ay nakalatag sa lamesa at ang mga laruan ng dalawa kong batang pinsan ay nakakalat sa sahig. Nilibot ko ang aking mga mata at naabutan ang aking inang abala sa kusina na naghahanda ng hapunan.
“Nand’yan ka na pala,” bungad niya sa akin.
“Kakarating lang,” sagot ko habang ibinababa ang bag kong hindi ko naman nilagyan ng maraming gamit nung umaga pero napuno ng mga polyetong ipinamimigay kanina sa lansangan. “Asan si Jose?”
“Sa kwarto, binigyan ko ng dede. Nag-iingay kanina e,” aniya.
Tumango ako habang hinuhubad ang aking sapatos. “O sige, tatabihan ko muna siya. Parang sumasama na rin kasi yung pakiramdam ko.”
“Bakit, napaano ka?” Nilapag niya ang hawak na tongs at tiningnan ako nang mabuti. “Nasaktan ka ba kanina?”
Umiling ako. “Hindi, okay lang ako. Hindi naman ako nagitgit kanina,” pagniniguro ko sa aking ina. “Nabilad lang ako nang matagal sa arawan. Wala pala masyadong silungan sa EDSA, sana nagdala ako ng sumbrero.”
Dalawampung taon na akong nabubuhay sa mundong ito, ngunit hindi ko pa kailanman napasyalan ang EDSA. Lagi kasing traffic doon kung manggagaling sa Antipolo lulan ng sasakyan. Kung tutuusin, hindi ko rin alam kung paano ko nagawang sumulat ng mga editoryal noong high school tungkol sa diwa ng EDSA nang hindi pa ito napupuntahan. Kaya noong naghahanap sila ng mga gustong sumama para magbalita bilang media ay agad akong nagpresenta ng sarili upang makita na rin ang makasaysayang monumento sa unang pagkakataon.
Nang pumasok ako sa kuwarto ay agad kong nakitang nakahilata sa kama at naglilikot si Jose, ang bunso ng pamilya, bilang siya ay nasa unang baitang pa lamang ng elementarya. Hawak niya sa kanang kamay ang kanyang bote ng gatas, habang ang kaliwa naman ay abala sa kanyang paboritong laruan — isang sundalong action figure.
Habang ako ay nakatayo sa pintuan, agad akong tinanong ng aking pinsan nang makita niya ako. “Ate Andeng, saan ikaw nagpunta? Walang pasok talaga ngayon.”
Nang marinig ko ito, ako ay napaisip — paano ko nga ba sisimulang ipaliwanag sa isang paslit ang hirap ng reyalidad na pinili ko bilang miyembro ng isang militanteng pahayagan nang hindi dinudurog ang kanyang murang sigasig para sa mundong ginagalawan niya?
Paano ko ipapaliwanag na kabaligtaran niya ay mas takot ako sa pulis kaysa sa dentista dahil ang isa ay ngipin lang ang kayang kunin sa akin, samantalang ang isa ay kaya akong hubaran ng aking dignidad at ng aking kalayaan? Paano ko ipauunawa sa kanya na hindi katulad nina Judy Hopps o Nick Wilde ang mga kapulisan sa totoong buhay nang hindi sinisira ang mga masasayang alaala niya mula sa isang palabas ng kanyang kabataan?
Kapag ba inilahad ko ang takot ko na baka sa susunod kong media coverage ay hindi na camera ang nakatutok kundi baril, o kaya ay imbes na barikada ng mga braso ang nagbibigkis sa aking mga kamay ay mapalitan ito ng posas, isusuot niya pa rin ba ang uniporme ng kapulisan sa susunod nilang career day sa paaralan?
Kaya ko bang ikuwento sa kanya na sa sobrang takot ko ay kinailangan kong maglakad ng mahigit dalawa’t kalahating kilometro sa ilalim ng nakapapasong sinag ng araw upang maiwasan ang mga pulis na nakaabang sa istasyon ng tren? Kapag ba narinig niyang maaari akong makulong dahil sa gawa-gawang kaso ay kamumuhian na niya ang laruan niyang sundalo at titigilan na niyang itabi ito sa pagtulog?
Siguro, mas maiintindihan niya kung ihahalintulad ko ito sa isang bagay na malapit sa kaniyang gunita: kung sasabihin kong ang kapulisan ay parang mga tsupon para sa bayang nag-iingay at umiiyak para sa pagbabago. At tulad ng tsupong plastik na walang laman, isang huwad at panandaliang solusyon lamang ang pagpapadala sa kanila sa lansangan para patahimikin ang nagngingitngit na galit ng sambayanan.
Huminga ako nang malalim bago nagsalita muli. “Galing ng work si Ate Andeng.”
Iyon lamang ang naisagot ko sa kanya. Nanatili akong nakatayo sa pintuan, pinagmamasdan ang pinsan kong payapang dumedede sa kanyang boteng de-tsupon habang mahigpit ang hawak sa kanyang sundalong laruan.
Mali ba na hinayaan ko muna siyang manatili sa isang mundo kung saan ang mga may kapangyarihan ay pinoprotektahan at pinagsisilbihan tayo?
Hindi ko rin alam, ngunit sa paghiga ko sa kaniyang tabi noong gabing iyon, nagbaon na lamang ako ng panalangin na sana, sa paglaki niya, hindi na niya kakailanganin ng tsupon upang tumahimik.
Dahil sa labas ng kuwartong ito ng aming munting bahay, naniniwala akong ang kalsadang tinahak ko noong araw na iyon ay hindi kailanman maghahangad ng katahimikan — ito ay palaging maghihintay sa kalampag ng taumbayan.
Author
Latest Posts