Ngayong araw, Oktubre 3, inaalala ng Union of Journalists of the Philippines – UP (UJP-UP) ang ikalawang taon mula nang patayin ang kritikal na brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid. Siya ay binaril habang pauwi sa kaniyang bahay sa Las Piñas noong 2022.
Kilala si Lapid sa kaniyang programang Lapid Fire kung saan matapang niyang inilantad ang mga katiwalian ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Kilala rin siya sa kaniyang mga kritikal na komentaryo hinggil sa red-tagging, extrajudicial killings at ang kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operators.
Bagaman dalawang taon na ang nakalipas, hindi pa rin natutunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag — isa sa mga itinuturing na mastermind sa pagpaslang sa beteranong brodkaster.
Bukod dito, dalawang sangkot sa pagpaslang kay Lapid ang namatay nitong mga nakaraang buwan. Noong Marso, nabalitaang binawian ng buhay dahil sa heart failure si BuCor superintendent Ricardo Zulueta, isa sa mga itinuturong utak sa likod ng pagpatay kay Lapid. Namatay rin noong Agosto ang kasabwat umano ng gunman na si Alias Orly o Jake Mendoza matapos barilin ang sarili sa gitna ng police raid.
Si Lapid ang ikalawa sa apat na mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. at ang ika-197 mula noong 1986, ayon sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines. Karamihan sa mga pinaslang na mamamahayag ay mga brodkaster sa radyo katulad ni Lapid.
Isang manipestasyon ang ginawang pamamaslang kay Lapid ng tumitinding panggigipit at panunupil ng estado sa mga kritikal na mamamahayag. Sa kabila ng mga pag-atakeng ito, nananatiling pipi’t bulag ang pamahalaan. Sabi ng ilan, mayroong “lifting of fear” daw sa panahon ni Marcos Jr. pero bakit nagpapatuloy pa rin ang pangre-redtag, paniniktik at lantarang pambubusal sa mga alagad ng midya?
Sa 2023 Global Impunity Index ng Committee to Protect Journalists, pangwalo ang Pilipinas sa pinakadelikadong mga bansa para sa mga mamamahayag sa buong mundo dahil sa kawalan nito ng pangil sa pagpaparusa sa mga kumikitil sa buhay ng mga mamamahayag. Malayo pa ito sa tunay na kalayaang matagal na nating ipinaglalaban.
Nakikiisa ang UJP-UP sa paniningil ng hustisya para kay Percy Lapid at sa iba pang mga pinaslang na mamamahayag sa ilalim ng mga pasistang rehimen nina Marcos at Duterte. Naninindigan ang Unyon na walang puwang sa isang demokratikong bansa ang pag-atake sa mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang mandatong isiwalat ang realidad ng lipunan.
Higit lalo ngayong paparating ang eleksyon, kailangang maprotektahan ang mga mamamahayag nang sa gayon ay magampanan nila ang kanilang mandato bilang “Fourth Estate” na magbabantay sa mga nasa kapangyarihan.
Walang tunay na kalayaan sa kultura ng karahasan. Hangga’t may mga mamamahayag na dinadahas, tinitiktikan at binubusalan, walang humpay rin ang ating paniningil at pakikibaka para sa kaligtasan ng mga tagasiwalat ng katotohan.
Hindi kailanman mababaon sa limot ang kawalang-pananagutan ng estadong lulong sa bisyo nitong supilin ang karapatan nating mamahayag.
Latest Posts