Illustration | Audrei Mendador
Para sa mga mangingisdang Caviteño, ang buhay ay umiikot sa pagitan ng dagat at semento.
Bawat umaga, sinasalubong nila ang alingawngaw ng mga makina ng bangka. Sa pagsapit ng hapon, bitbit na nila ang bagong huling isda, kasabay ang pagkapit ng tubig-alat sa kanilang balat.
Ngunit sa mga dalampasigan ng Talaba Dos, Bacoor, at Amaya, Tanza, unti-unting napapalitan ang tanawing ito ng mga bundok ng buhangin, barge at bakal na itinatambak sa ilalim ng dagat.
‘Masusunog o lilipat?’
Dalampasigan ang bumubuhay kay Laarni “Arni” Villamon, 39, at sa kaniyang pamilya. Bago tumama ang pandemya, masagana ang kanilang kabuhayan bilang mga mangingisda sa Talaba Dos kung saan sila naninirahan nang humigit-kumulang 27 taon.
Noon ay nakahuhuli sila ng 20 hanggang 25 banyera ng isda sa isang araw. Bunga ng banye-banyerang ani sa paglaot, umaabot hanggang P1,800 ang kinikita nila kada tao.
Nang ipatupad ang proyekto ng reklamasyon sa kanilang lugar, kumalat ang balita ng demolisyon at nagkaroon ng sunod-sunod na sunog sa komunidad na pumapaligid sa kanila.
Sa takot na masunog ang kanilang mga ari-arian, pumayag ang ilang lokal na lumipat sa inaalok na relocation site ng lokal na pamahalaan.
“Nag-iisip kami, masusunog o lilipat? Mas magandang lumipat na lang kaysa masunog, kasi ubos talaga yung gamit mo ‘pag nasunog,” ani Ate Arni.
Pagkalipat, sumapit sila sa matinding pagsubok. Kuwento ni Ate Arni, halos wala silang makain sa bagong tirahan.
“Ang kinakain namin doon, isang piraso lang [ng] itlog bawat isa,” dagdag niya.
Wala ring mahanap na trabaho ang kaniyang asawa dahil walang tao sa lugar na pinaglipatan. Lalong naghirap ang pamilyang mandaragat dahil baon sila sa utang. Ginamit ang P10,000 na perang binigay ng lokal na pamahalaan sa pambayad ng utang kaya walang naiwan sa pambili ng pangangailangan.
Dahil sa kahirapan at gutom, napilitan silang bumalik sa Talaba Dos. Ngunit sa kanilang pagbalik, lubusang naapektuhan ang kanilang hanapbuhay – tuluyang humina ang kanilang huli dahil sa reklamasyon.
Kahit na patuloy ang paggiba ng mga bahay sa Talaba Dos at sa kabila ng banta ng pagpapalayas, naninindigan pa rin si Ate Arni para sa kabuhayan ng kaniyang pamilya.
“Hindi ako papayag na tatanggalin [kami] basta-basta nang walang paglalagyan ng bangka. Kahit ‘yung iba hindi man lalaban, ako lalaban talaga,” aniya.
Sa ilalim ng kasunduan ng Bacoor City Government at Frabelle Corporation, ang reklamasyon sa Talaba Dos ay bahagi ng Bacoor at Diamond Reclamation and Development Projects na sumasakop ng 420 ektarya ng lupa.
Isinasagawa sa proseso ng reklamasyon ang dredging o pagbubungkal ng buhangin. Ayon kay Aries “Aryanna” Soledad, kalihim-heneral ng PAMALAKAYA Cavite, lumalala ang pagbaha, gumuguho ang lupa at nababawasan ang huli ng isda bunga nito.
“Kapag hinukay mo ‘yung buhangin sa ilalim ng karagatan, ang epekto niyan ay pagguho ng magkabilang pampang. Tapos tuloy-tuloy na pagkasira ng mga corals. Ang tendency niyan, lumalayo [ang] mga isda.”
Tanza: Ang dagat na lumalapit
Samantala, si Mary Joy Jara, 19, ay matagal nang tumutuwang sa paglalaot ng kanilang pamilya laban sa unti-unting pagkawala ng kanilang baybaying tahanan sa Tanza, Cavite.
“Dati, maraming bahay pa sa gilid ng dagat. Ngayon, halos lahat, nilamon na ng tubig,” aniya.
Ayon sa mga residente ng Tanza, ang paghuhukay sa ilalim ng dagat o dredging project ng San Miguel Corporation ang sanhi ng pagbabago sa kanilang komunidad.
“No’ng nagsimula ang dredging, nawala [na] ang mga bakawan at bahura. Kasabay noon, nawala rin ang mga isda,” dagdag ni Mary Joy.
Sa bawat hakot ng buhangin, may isang piraso ng buhay ang inaanod papalayo sa dalampasigan.
Ramdam ni Mary Joy ang epekto ng dredging sa kanilang hanapbuhay.
Binahagi niya na ang isang tambor ng isda noon ay umaabot ng halagang P1,300 hanggang P1,500. Samantalang ngayon, pumapatak na lang ng P500.
Bilang tulong ng lokal na pamahalaan, inaabutan sila ng P2,000 buwan-buwan pero hindi pa raw ito sapat para tustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.
“Pang-isang linggo lang ‘yun,” sabi ni Mark. “Paano na sa mga susunod na buwan?”
Lubog sa dredging
Bago pa ang pandemya, anim na taon nang sumasama sa laot ang 19 taong anyos na si Mark Steven Mangubat.
Kahit noong limang taong gulang pa lamang siya ay sinasama na siya ng kaniyang pamilya sa dagat para umano’y mapamahal siya sa tubig-alat.
Kaya mula pagkabinata, dala na niya ang lambat ng mga naunang mangingisda sa kaniyang pamilya.
“Dati, nakakakuha kami ng dalawampung cooler ng isda sa isang araw ng laot,” aniya. “Ngayon, anim na lang.”
Kasabay pa ng pagliit ng kanilang huli ang pagbaba ng presyo ng isda, “Mas mura na rin ngayon ang bentahan. Kahit marami kang mahuli, maliit na ang kita pag binenta,” aniya.
Ngunit hindi lang kakulangan sa huli ang kanilang problema. Maging ang mga residenteng mangingisda ay pinalalayas sa kanilang tahanan.
“Minsan, hinahabol kami ng BFAR. Naghihigpit sila kahit wala naman kaming ginagawang masama, kailangan magbayad para matubos ang bangka at makabalik sa laot,” dagdag ni Mark.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangunahing ahensiyang nangangalaga sa pangingisda at yamang-dagat ng bansa. Ngunit hindi lang sa Tanza nararanasan ang ganitong kalagayan – idinadaing ng mga maliliit na mangingisda mula sa iba’t ibang baybaying komunidad ang mahigpit at di-makatarungang pagpapatupad ng BFAR.
Ayon sa panayam ng Rappler kay Ruperto Aleroza, pangalawang tagapangulo para sa mga batayang sektor ng National Anti-Poverty Commission, mas napapaboran umano ng BFAR ang interes ng mga komersyal na mangingisda kaysa sa mga munisipal o maliliit na mangingisda.
Sabi ngPambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), nagpapatuloy pa rin ang dredging sa mga reclamation project sa Manila Bay kahit may suspensyon mula pa noong Agosto 2023.
Nagbahagi ang grupo ng bidyo ng ilang dredging vessel malapit sa baybayin ng Tanza at sa kalapit na coastal communities sa Cavite. Ayon sa mga mangingisda, konektado ito sa Manila Waterfront Reclamation at Bulacan Aerotropolis Project.
Para sa mga taga-Tanza, ang San Miguel Corporation ay simbolo ng pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“San Miguel talaga ang naninira sa kalikasan,” ani Mary Joy. “Kung ititigil ang dredging, kahit papaano, giginhawa ulit ang buhay namin.”
Sa ganitong kalakaran, lalo lamang napalalayas sa sariling dagat ang mga lokal na mangingisda habang patuloy namang lumalawak ang saklaw ng mga malalaking kumpanya, komersyal na bangka at mga kaakibat na opisyales ng pamahalaan.
Sa Bacoor, si Ate Arni ay patuloy na lumalaban para sa baybayin na matagal na niyang tinawag na tahanan. Sa Tanza, sina Mary Joy at Mark ay bumabangon sa gitna ng lumalalim na dagat. Ngunit sa kabila ng lahat, nananatili ang paninindigan ng mga mangingisdang Caviteño na ipaglaban ang dagat, hindi bilang ari-arian, kundi bilang buhay.
Sa pagitan ng dagat at semento, nakatindig silang tatlo – mga Caviteñong isinilang sa dalampasigan, ngayo’y hinahamon ng agos na tinatawag na “kaunlaran.”
Author
Latest Posts