Illustration | EJ Cruz
Sa mga huling linggo bago ang pagtatapos, unti-unting naghahari ang dilaw sa kahabaan ng University Avenue sa UP Diliman. Isa-isang namumukadkad ang mga mirasol, nakaharap sa araw na tila matagal na nilang hinihintay. Sa ilalim ng parehong sikat ng araw, naghahanda ring mamukadkad ang mga Iskolar ng Bayan.
Sa unang tingin, pawang magkakatulad lamang silang magmamartsa suot ang kani-kanilang Sablay. Ngunit tulad ng mga mirasol, hindi sila sabay-sabay sumibol. Walang iskolar ang dumadaan sa iisang kalbaryo; magkakaiba ang panahon ng kanilang paglago.
Bago pa man tumuntong sa pamantasan, iisa ang pangarap na tangan: ang maging Iskolar ng Bayan. Ang pagtanggap sa UP ay higit pa sa isang liham ng pagpasa. Para sa marami, ito ang bunga ng mga taon ng paghahanda at sakripisyo — isang pagkakataong makapag-aral sa pambansang unibersidad nang walang pasaning matrikula.
Sariwa pa sa gunita ang mga unang araw: ang saya ng paglalakad sa Academic Oval, pagkuha ng larawan kay Oble kasabay ng pagsigaw ng “UP nandito na ‘ko!”, pagsusuot ng ID lanyard bilang “outfit itself” at pakikipagkilala sa mga kapwa iskolar.
Sa bawat hakbang, tila mas lumalapit ang pangarap na minsang inakalang suntok sa buwan.
Ngunit tulad ng isang binhing bagong naitanim, hindi nagsisimula ang paglago sa pamumulaklak. Kailangan muna nitong mag-ugat.
Hindi pare-pareho ang simula ng bawat iskolar. May mga dumaan sa butas ng karayom ng UPCA at UPCAT bago tuluyang makapasok sa unibersidad. Mayroon ding mga naghintay ng isa o higit pang taon bago makalipat sa UP mula sa ibang pamantasan, hindi dahil sa pagnanais na makapaglagay ng “UPD” o mirasol na emoji sa bio sa mga social media account, kundi dahil sa desisyong binuo ng praktikalidad at pangarap.
Ilang iskolar din ang nagpasyang lumipat ng programa nang mapagtantong hindi pala sa unang kurso ang kanilang tunay na tawag.
Pinili nilang sundin ang sigaw ng puso kaysa sa idinidikta ng praktikal na mundo.
Sa katunayan, hindi madaling talikuran ang programang ilang taon ding pinaglaanan ng oras at pagsisikap. Nangangahulugan man ito ng paghahanap ng bagong lupang pagpupunlaan — bagong kurikulum na susundan at mas matagal na paglalakbay sa unibersidad, ito ay isang desisyon para sa kinabukasang walang pagsisisi.
Habang ang ilan ay nagpo-post ng mga larawang suot ang toga at Sablay, may mga estudyanteng tahimik na bumabalik sa umpisa. Muli nilang hinaharap ang mga introductory courses o ‘di kaya’y bumubuo ng panibagong pangarap habang nakaupo sa mga silid-aralang minsan na nilang iniwan. Sa mga sandaling iyon, kakatok ang mga pag-aalinlangan upang subukan kang kumbinsihin na napag-iiwanan ka sa gitna ng karera ng buhay.
Gayunpaman, hindi sabay-sabay tumubo ang lahat ng mirasol.
Sa UP, hindi lang talino ang sandata. Kailangan din ng tiyaga, kapal ng mukha at katatagan.
Bago pa man magsimula ang semestre, isang laban ang agad na haharap sa mga Iskolar: ang enlistment period. Hindi na lingid sa kanila ang kaba ng paghihintay sa resulta ng batch run. Mula sa paulit-ulit na pag-refresh ng registration website hanggang sa pag-asang makakuha ng sapat na units, pamilyar ang pakiramdam ng kawalang-katiyakan.
Kapag hindi pinalad hanggang sa general registration period, susunod ang pinaka inaayawan at iniiwasan ng lahat: ang prerog, kung saan ang mga iskolar ang siyang lalapit sa mga propesor at iba’t ibang secretary’s office ng bawat kolehiyo upang makakuha ng units. May mga estudyanteng naghihintay sa labas ng silid-aralan sa unang araw ng klase sa pag-asang may bakanteng upuan para sa kanila.
Hindi ganoon kabilis ang proseso. Ang iba ay nakikipagsapalaran pa sa mga bunutan ng ID o kung ano-anong palaro at pakulo na pinapagawa ng mga propesor para sa kakaunting slot na natitira. Kung minsan, bentaha ng mga graduating na isang asignatura na lamang ang pagitan nila sa diploma. Kung hindi pinalad, isa na namang semestre ng paghihintay ang kanilang bubunuin.
Matapos subukin ng enlistment, isang buong semestreng pagsusunog ng kilay naman ang tatahakin na minsa’y tila mas mabigat kaysa sa inaasahan. Mga gabing kulang sa tulog. Mga papel na tinatapos habang papalapit ang umaga. Mga asignaturang halos ipagdasal na maitawid at kung minsan, mga gradong hindi sapat upang makausad.
Para sa iba, hindi lamang akademiko ang laban nila sa kolehiyo. Kasabay ng mga takdang babasahin at mga pagsusulit, naghahanapbuhay sila upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan. Estudyante sa umaga, manggagawa sa gabi. Habang ang ilan ay nagrerepaso ng mga aralin, ang mga working student ay abala sa pag-uunat ng buto hanggang sa makakaya, makamit lamang ang inaasam na tagumpay.
May mga unos ding hindi kayang iwasan tulad ng problema sa kalusugan o mga biglaang krisis na nagpapabago sa takbo ng kanilang buhay. Higit pa rito ang mga suliraning sistematiko, lalo na ang kakulangan sa pasilidad at budget cuts sa unibersidad na lalo pang nagpapabigat sa pasanin ng mga mag-aaral.
Sa bawat pagkaantala, kasunod ang tanong: Gaano pa kaya kalayo ang pagtatapos?
Hindi nasusukat sa bilis ng pamumulaklak
May mga nagtapos sa loob ng apat na taon. May mga inabot ng lima, anim o higit pa. May mga umalis, lumipat at nagtrabaho. May mga huminto nang panandalian bago bumalik. Ngunit pagdating ng araw ng pagtatapos, iisang Sablay ang isinasampay sa kanilang mga balikat. Ang Sablay na simbolo ng tagumpay at paglalakbay na walang iisang sukat.
Bawat hibla nito ay may sariling kuwento ng pagod, pangamba, kabiguan at muling pagbangon — mga kuwentong hindi nakaukit sa diploma ngunit siyang tunay na humubog sa kanila bilang mga Iskolar ng Bayan.
Pagkatapos ng seremonya, muling mapupuno ng mga pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay ang University Avenue. Hawak-hawak ang mga mirasol, kukuha ng larawan ang mga bagong gradweyt upang magsilbing alaala sa isang mahabang paglalakbay palabas ng kinagisnang pamantasan.
Ang mga bulaklak na ito ay hindi mananatiling sariwa magpakailanman. Maaaring malanta ang mga mirasol sa gilid ng kalsada, ngunit ang mga binhing itinanim ng unibersidad sa bawat iskolar ay mananatiling buhay.
Tapos na ang panahon ng paghihintay; oras na para ang mga naantala at nagtagumpay ay maging liwanag naman sa buhay ng iba.
Dahil ang tunay na kagandahan ng mirasol ay wala sa tagal ng kaniyang pag-aabang sa araw, kundi sa kaniyang pagharap dito nang may dangal — handang magsilbi para sa bayan.
Author
Latest Posts