
Binalikan ng pamilya at mga naging kasama sa midya ang mga likha at alaalang naiwan ni RJ Ledesma, isang mamamahayag na pinatay sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Isa lamang si Ledesma sa 19 na mga biktima ng masaker ng 79th Infantry Battalion of the Armed Forces of the Philippines.

Saksi ang midya at ang publiko sa husay ni Ledesma sa pagbabalita. Sa bawat artikulong kaniyang isinulat, malinaw ang kaniyang paninindigan: kung nasaan ang katotohanan at ang masang api, naroon ang kaniyang serbisyo.

Ang pag-akyat sa bundok at pagpunta sa mga sakahan ay hindi na bago para sa mga peryodista. Dito nakaugat ang tunay na serbisyong tila isang panata.
Gamit ang kaniyang husay sa pagsulat, naging tulay si RJ upang maitawid ang mga kuwento ng paglaban ng mga magsasaka sa iba’t ibang komunidad tulad ng Negros.

Ngunit ang mga mahuhusay na katulad ni RJ na nagsisilbi sa masa ay siya ring pinupuntirya ng estado. Gamit ang mga armas, winakasan ng estado ang kaniyang kinabukasang inilaan sana para sa bayan.
Hindi dahil siya ay may sala, kundi dahil takot ang estado sa mga katulad niyang ginagamit ang katotohanan bilang sandigan upang ipaglaban ang karapatan ng mga nasa sakahan.

Ang walang-awang pagpaslang kay RJ at sa iba pang biktima ng Negros 19 ay hindi lamang pagkitil sa kanilang kinabukasan, kundi pagyurak din sa karapatan ng sambayanan.

Sa kabila ng patuloy na paniniil at pananakot, patuloy na mananawagan para sa hustisya ang mga kasama ni RJ sa alternatibong midya.
Dahil kailanman, hindi magiging mali ang magbalita para sa mga pinagkakaitan ng kanilang karapatan.

Kahit pa kinitil ang kaniyang buhay, mananatiling masigla ang alaala ng kaniyang paninindigan.
Hindi kailanman mabubura ng bala at mga gawa-gawang naratibo ng estado ang tintang iniwan ni Ledesma sa kaniyang mga sinulat, lalong-lalo na sa puso ng masang kaniyang pinaglingkuran.

Para sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at kasama sa midya, naging mapait man ang sinapit ni RJ, nananatili namang matamis ang kaniyang iniwang serbisyo — sa mga tubuhan man ng Negros o sa anumang sakahang pinili niyang pagsilbihan.
Author
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir