

Hindi pa sumisikat ang araw, nagsisimula na ang paghahanda ng mga residente. Maingat nilang inilulubog sa putik ang pinagtagpi-tagping tuyong dahon ng saging bago isukbit sa kanilang balikat.
Kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, sabay-sabay silang nagmamartsa sa panalangin ng buhay.

Ang mga namamanata ay nagbabahay-bahay upang manlimos ng pambili ng kandila. Ang pagsindi nito sa simbahan ang nagsisilbing tulay ng kanilang mga panalangin at kahilingan tungo sa kanilang santo.
Matapos makalikom ng sapat na halaga, tutungo sila sa simbahan upang bumili ng kandila at isagawa ang kanilang panata.

Sinisindihan nila ang pinag-ipunang kandila sa labas ng simbahan, isang takda na sisimulan na nila ang paghiling sa santo.

Tulad ng nagniningas na mga kandila, nag-aalab din ang puso ng mga namamanata. May bitbit na mga panalangin ang bawat isa na kanilang ipinapaabot kay San Juan Bautista.

Matapos magsindi ng kandila at magdasal, nagtitipon ang mga deboto sa labas ng simbahan habang naghihintay ng misa.

Batay sa mga istoryador, nagsimula ang tradisyong ito noong panahon ng Kastila. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dinakip ng mga Hapon ang ilang residente ng Aliaga upang patayin. Ngunit hindi ito tinuloy ng mga Hapon dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan.
Bilang pasasalamat sa himala ni San Juan Bautista, nagpagulong-gulong sa putikan ang mga nakaligtas.

Nakapikit at nakataas ang mga kamay — tila may sariling mundo ang bawat deboto at kanilang santo. Ang mga nakabukas na palad na parang sumasalo ng mga biyaya; ganito kasagrado ang pista ng Taong Putik.
Hindi tulad ng ibang pagdiriwang na puno ng palamuti at pakulo, ang Taong Putik ay isang taimtim na pananampalataya.

Magkakaibang kahilingan, ngunit iisang tradisyong inukit ng panata. Sama-samang nananalig ang mga deboto, habang naghihintay sa kani-kanilang himala mula kay San Juan Bautista.
Ang mga litratong ito ay kuha ni Athena Altiche noong Hunyo 24, 2025 sa kaniyang internship sa Photojournalists Center of the Philippines.
Author
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir