Illustration | EJ Cruz
Kasasalta lang namin sa Caloocan nang magsimula ang panunungkulan ni Duterte. Sa bahay namin, lahat kami ay babae, maliban na lang sa nakababata kong kapatid.
Hindi ko alam kung ikasasaya ko na hindi namin kasama ang aming ama palagi. Dahil ‘pag nalaman ito ng pulis, baka mapag-initan pa kami. Matibay ang pundasyon ng bahay, pero tila lumalambot ito kapag naririnig mo ang kanilang mga yapak.
Walang gabing lumilipas na kampante kami. Pagkarating pa lang ni Nanay galing sa trabaho, dapat nakasara na ang lahat; naka-double lock ang mga pinto at nakasarado na rin ang mga bintana.
Sa bawat pulis at mobile na nakikita namin sa daan, tila naghahabulan ang tibok ng aming mga puso. Dahil ang mga pulis, walang pinipiling bahay na kakatukin. Wala silang sinasanto — kapag natiyempuhan ka, patay ka.
Ang mga kalsada kapag gabi, parang kakainin ka ng katahimikan. Pwede ka kasing damputin na lang at pagbintangang drug pusher. Takot din ang mga bata at kanilang mga magulang, dahil ang mga pulis, walang patawad.
Halos limang kilometro lang ang layo sa amin noong akusahan si Kian na drug pusher at walang habas na pinatay. Habang ang bahay namin ay tahimik na natutulog, may ibang bahay na ginagambala.
Pagsikat ng araw, balik sa normal ang lahat — na tila walang kinitilan ng buhay sa isang kanto at pinagbintangang nagtutulak ng droga.
Araw-araw, may bagong kwento kang maririnig. May pinatumba, may dinakip, may nawala, pero iisa lang ang pahiwatig — buhay na buhay ang punerarya kapag gabi. At ang libingan, isang kilometrong layo lang mula sa amin.
Kasasalta lang namin sa Caloocan nang giyera ang abutin namin. Sa bawat paglubog ng araw, babalutin ka ng takot dahil hindi mo alam kung bahay mo na ang susunod na kakatukin.
Author
Latest Posts