
Bagama’t nagmula sa iba’t ibang sektor, nagkaisa ang tinig ng mga manggagawa noong Mayo Uno sa isang panawagan: ang pagpapatupad ng P1,200 na makataong sahod sa buong bansa

Para kay King Arevalo, isang factory worker, kahit na dagdagan pa ng P200 ang kaniyang sahod ngayon, hindi pa rin ito sasapat para mabuhay.
“Sa sobrang daming bayarin, lalo na [ngayong] may krisis, hindi talaga sumasapat ang sahod namin sa pang-araw-araw,” banggit ni Arevalo.
Kaya naman bitbit niya ang panawagan na ipatupad sa buong bansa ang P1,200 na sahod para sa manggagawang Pilipino.

Layon ni Mheanne Vargas ng Association of Women Workers in the Construction Industry (AWWCI) ang tunay na pagkilala at mga inklusibong espasyo para sa kababaihan sa konstruksyon sa taon-taon nilang pakikiisa tuwing Mayo Uno.
“Kung titingnan mo ang datos ng TESDA, ang daming mga nagtapos ng skills training na women, pero kapag pumunta ka sa mga site, kakaunti ang women. Wala pang 2% ang women, napakakonti lang,” giit ni Vargas.
Naniniwala si Vargas na epektibo pa rin ang mga kilos-protesta sa pagsulong ng reporma sa lipunan.
Aniya, “Hindi lang ito para sa mga nandirito ngayon, [kung ‘di] para sa lahat.”

Para sa mananahi at single mother na si Aling Thelma, ang paglaban para sa P1,200 na sahod ay para sa edukasyon ng kaniyang tatlong anak.
Ngunit lalo pa itong naging mahirap dahil siya ay mula sa Binangonan, Rizal at ang tanging sahod ay nakabatay sa provincial rate na P600.
“Kaya nga lumalaban kami para madagdagan ang sahod namin. Para lang sa mga anak ko, [para sa] tuition fee,” giit ni Aling Thelma.

Dalawang dekada nang tangan ni Jillian Roque ng Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) ang mga panawagan ng mga kawani ng gobyerno para sa makatarungang sahod, karapatan ng mga impormal na government workers at pagsasapantay ng sahod ng mga empleyado mula sa national government agencies at local government units.
“Matagal nang panawagan ng labor movement na buwagin ‘yong regional wage setting, mga provincial rates at dapat magkaroon ng nakabubuhay na sahod. So ‘yan po ‘yong hanggang ngayon hindi pa rin natin nakikita kung ano ‘yong action ng gobyerno,” ani Roque.
Kanila ring isinusulong na gawing P7000 ang Personnel Economic Relief Allowance na inaasahang aagapay sa mga empleyado sa panahon ng kasalukuyang krisis dulot ng digmaang US-Iran.

Bilang abogado, bitbit ni Carlos Montemayor Jr. ng Public Interest Law Center (PILC) at National Union of Public Lawyers (NUPL) ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa sa malayang pag-oorganisa at kolektibong aksyon.
“[Laging] mayroong lugar ‘yong mass protest, mass actions para ipakita sa pamahalaan, hindi lang ‘yong pagpaparating ng mga hinaing, kundi ipakita na may tumututol doon sa mga ganitong pangyayari,” ani Montemayor.
Ayon sa kanya, mas malinaw din ang dahilan kung bakit dapat tutulan ng mga Pilipino ang patuloy na pamamayani ng imperyalistang US, dahil sa mga epektong pang-ekonomiko ng kanilang giyerang agresyon sa Iran.

Isa si Helenette Ramirez, public school teacher at miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa nagsusulong ng P50K entry level na sweldo para sa mga gurong Pilipino.
“Kailangan bigyan nila ng pansin ang aming panawagan na 50K ang dapat nilang ibigay na increase para kami ay makaagapay sa aming pangangailangan.”
Hinaing niya na ipaintindi ng pamahalaan ang kanilang mga programa sa iba’t ibang sektor ng paggawa upang “hindi masagasaan” ang mga manggagawa at mga kawani ng sektor ng edukasyon.

Isang empleyado ng Kowloon House sa West Avenue branch, nakiisa si Danny Macatangay sa pagkilos sa Araw ng mga Manggagawa para ipaglaban ang mas makataong sahod, benepisyo at kondisyon sa paggawa.
”’Yon ang kailangan, sama-samang pagkilos para makamit natin ‘yong tagumpay ng ating pinaglalaban,” ani Macatangay.
Binubuhay ni Macatangay ang lima niyang anak gamit ang kaniyang minimum wage na sahod. Aniya, kulang na kulang ang kaniyang sahod para buhayin ang pamilya, lalo na’t hindi ito sumasabay sa taas ng presyo ng bilihin sa bansa.
Author
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir