Ngayong Mayo Uno, pareho pa rin ang mga panawagan ng mga manggagawa para sa isang nakabubuhay na sahod at makataong kondisyon sa pagtatrabaho. Ngunit habang patuloy na binabalewala ng gobyerno ang mga pangangailangang ito, mas pinaiigting ng panahon ang agarang pagpapatupad sa kahingian ng mga manggagawa sa gitna ng agresyong US-Israel sa Kanlurang Asya, krisis sa langis, at ang nananaig na korapsyon at impunidad.
Matapos ang biglaang pag-atake ng US-Israel sa Iran, walang tigil ang pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas, kung saan pumapatak sa P100 ang presyo ng diesel, P95 sa gasolina, at P150 sa kerosene. Imbes na pakinggan ang mga konkretong solusyon na ipinapanawagan ng mga manggagawa na ibasura ang Oil Deregulation Law at excise at value-added tax, panandalian at hindi epektibong tugon ang isinasagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng pamimigay ng ayuda. Kinakailangan pang pagdaanan ng mga tsuper ang hindi makataong pagpila sa kainitan, na kinalauna’y nagresulta sa pagkamatay ng isa sa kanila habang naghihintay para sa hindi sapat na P5000 fuel subsidy.
Pati ang mga manggagawa sa iba pang mga sektor ay labis na naaapektuhan ng krisis dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin habang nananatiling mababa ang sahod. Dinagdagan pa ang problemang ito ng four-day workweek na nagbibigay-daan sa lalong kabawasan sa sahod at pagdagdag sa oras ng trabaho sa isang araw.
Kita rin sa danas ng mga trabahador ng Kowloon House West Avenue branch ang kawalan ng aksyon ng gobyerno na nagbibigay-daan sa walang pakundangang pag-aabuso ng mga kumpanya sa mga manggagawa. Ilang araw lamang matapos mapagtagumpayan ng Glowhrain – Kilusang Mayo Uno Kowloon House West Chapter ang dagdag sahod at benepisyo na ilang taong ipinagkait sa kanila, tahasang binastos ng kumpanya ang kasunduan nang inanunsyo ang pagtigil ng operasyon ng tindahan at pagtanggal sa mga trabahador. Ang galawang ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ukol sa pagsunod sa Collective Bargaining Agreement at sa kalayaan sa pag-oorganisa ng mga unyon nang walang paghihiganti mula sa kumpanya.
Hindi hiwalay ang panawagan at kahirapang nararanasan ng uring manggagawa sa pakikibaka ng alagad ng midya. Parehong mababang sahod, kawalan ng benepisyo, at karahasan ang pinagdadaanan ng mga peryodista. Taong 2024 nang isabatas ang Eddie Garcia Law na naglalayong protektahan ang kapakanan, kaligtasan at kalusugan ng mga nagtatrabaho sa midya. Ngunit dalawang taon na ang nakalipas at batid pa rin ang mahabang oras ng trabaho at mababang sahod sa larangan.
Bukod sa hindi nasusunod na batas para sa kapakanan ng mga trabahador sa midya, may kawalan din ng epektibong polisiya laban sa nararanasang red-tagging, karahasan, at pagpatay sa mga peryodista. Kamakailan lamang, kasama sa pinaslang na Toboso 19 ang community journalist na si RJ Ledesma. Taliwas sa kasinungalingang ipinapakalat ng estado na kabilang siya sa armadong tunggalian, samu’t saring naratibo na ang nagpapatunay na community immersion ang isinasagawa ni Ledesma sa Negros bago siya pinatay.
Ang pagpaslang sa kaniya ay isang matibay na ebidensya ng hindi makataong pagsusupil ng estado sa mga manggagawang lumulubog sa masa para sa pagpapakalat ng kanilang mga hinaing at panawagan. Habang patuloy ang pagpapalakas ng estado sa kapangyarihan ng militar, patuloy ring ginigipit ang kilusang manggagawa para sa karapatang pantao nila at ng kanilang kapwa.
Maigting na naninindigan ang Union of Journalists of the Philippines – UP kasama ng mga manggagawang walang habas na pinababayaan at ipinapahamak ng estado. Kaisa ang Unyon sa pagpapanawagan para sa nakabubuhay na P1200 na sahod, pagbasura sa Oil Deregulation Law at excise at value-added tax, proteksyon at pagrespeto sa mga unyon, pagwakas sa kontraktuwalisasyon at pagpapanagot sa mga sangkot sa Toboso 19 massacre.
Sa paggunita sa Mayo Uno, ipinapaalala na hindi kailanman magpapanaig ang uring manggagawa sa estado at mga kapitalistang walang habas na lumalabag sa kanilang karapatang pantao. Kasama nila ang masa sa pagpapabagsak sa sistemang hindi makatao at mapang-abuso.
Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!
Latest Posts