
Isa si Alyssa Alano, matapang na lider-estudyante, sa mga kinitilan ng buhay ng militar sa pagpapaulan ng bala sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19 habang nakikipamuhay sa mga magsasaka. Bagaman winakasan ng dahas ang kaniyang hininga kasama ang iba pang mga biktima, nananatiling mas makapangyarihan ang kaniyang alaala kaysa sa anumang bala.

Isang araw matapos ianunsyo na kabilang si Alyssa sa mga 19 na marahas na pinaslang sa Taboso, nagtipon-tipon ang komunidad ng mga progresibong grupo at mga estudyante sa UP, kasama ang iba’t ibang unibersidad upang makiramay at maningil ng hustisya para sa kaniya at sa lahat ng pinaslang sa Negros.
Sa pangunguna ng kaniyang mga kasama sa konseho, sama-samang lumabas ang sangkaestudyantehan mula sa kanilang mga klasrum bilang pagpupugay sa yumaong kasama.

Dala ang mga plakard na may nakasulat na iba’t ibang mga panawagan kasama ang malilikhaing karatula, ipinapatambol ng nagkakaisang tinig ang paggiiit ng hustisya para kay Alyssa at sa iba pang biktima. Ipinaglalaban din nila ang isang kagyat na imbestigasyon sa kaso at wakasan na ang militarisasyon sa kanayunan.

Saksi ang komunidad sa talamak na mga atake ng estado sa mga lider-estudyante at human rights workers tulad ni Alyssa na hangad lang namang pagsilbihan at makiisa sa laban ng mga magsasaka sa kanayunan.
Isa si Amanda Echanis, dating bilanggong politikal at biktima rin ng paglabag ng estado sa karapatang pantao sa mga nakiisa sa pagtindig at paghiling ng katarungan para kay Alyssa.

Dahil ano pa nga ba ang silbi ng edukasyon kung nakakulong lamang ito sa apat na sulok ng silid-aralan, sa mga pahina ng libro o sa mga kahingiang ipinapasa sa mga propesor, kung nananatiling bulag sa reyalidad ng masang-api?
Para saan pa ang kahusayan kung hindi rin pagsisilbihan ang sambayanan?
Sa tapang at dedikasyong ipinamalas ni Alyssa, bitbit ngayon ng komunidad ng UP at ng masang kaniyang pinagsilbihan ang tunay na diwa ng edukasyong kaniyang isinabuhay.

Kasing tingkad ng mga bulaklak ang bakas ng alaalang naiwan ni Alyssa sa kaniyang pamilya, sa mga mag-aaral at sa masang nagdadalamhati.
Naging maikli man ang panahon ng kaniyang pakikibaka, higit na makabuluhan ito dahil inialay niya ang buhay para sa marhinalisadong sektor.
Dahil sa bawat buhay na kinitil, sisibol ang libo-libong pulang bulaklak — sa lungsod man o kanayunan — upang magsalaysay ng kaniyang kahusayan at paninindigan hanggang sa makamit ang hustisya.

Maaaring winakasan ng estado ang buhay ni Alyssa at iba pang biktimang tulad niya, ngunit hindi nito kailanman kayang supilin ang sigla at adhikain na kaniyang ibinahagi sa sambayanan.
Mula UP hanggang sa sakahan ng Negros at sa iba’t ibang lupaing nakararanas ng inhustisya, patuloy na magpupugay ang sambayanan sa mga buhay na kasing-alab ng kay Alyssa. Sa landas na kaniyang iniwan, walang balang kayang pundihin ang liwanag ng kaniyang naiwang alaala.
Author
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir