Illustration | Audrei Mendador
Sa gitna ng sumisirit na presyo ng langis, hindi lang sa malalayong bansa matatagpuan ang tunay na labanan. Dama ko ang yanig ng bomba rito mismo sa aspalto — sa lugar kung saan ang dati’y walang-humpay na ingay ng makina at walang-tigil na pag-uumpugan ng siko’t katawan ay napalitan ng katahimikang mas nakabibingi pa sa mga nagliliparang bala sa kabilang panig ng mundo.
Hindi na lamang simpleng daluyan ng paglalakbay ang kalsada; isa na itong lunsaran ng digmaan.
Biyaheng Sangandaan. Sa loob ng jeep, ramdam ko ang pamilyar na siksikan. Balikat sa balikat. Tuhod sa tuhod. Ngunit sa aking paglingon sa labas, may kakaibang katahimikan. Ang maluluwag na kalsadang dati’y dapat ipagdiwang, ngayo’y naging simbolo na ng pagkatalo.
Unti-unti nang naglalaho ang mga dating “Hari ng Kalsada” matapos maging biktima ng walang-awang presyo ng krudo at ng isang gahaman at mapagsamantalang sistema.
Binabaybay ko ang ruta patungong UP — walong sakay balikan, siyam kung isasama ang pag-ikot sa loob ng kampus.
Baligtad na ang agos.
Dati, segundo lang ang binibilang para makasakay ng jeep. Ngayon, hindi na tsuper ang nag-aagawan sa pasahero; mga pasahero na ang halos magpatayan makasabit lamang sa sasakyan.
Mula Sangandaan hanggang Manila Central University (MCU), dala ko ang alaala ng sandaang pisong pamasahe na dati’y sapat pa kahit may kasamang meryenda.
Ngayon, tila nakakahiyang humingi ng diskwentong pang-estudyante habang nakikita ang drayber na maingat na nagbibilang ng barya. Kung dati’y pinapaikot pa sa daliri na parang sigarilyo ang mga perang papel na kinita, ngayon, ang bawat kalansing ng barya ay tila huling bala na lamang upang mabuhay ang pamilya.
Parang isaw na iniihaw sa baga — ganito ang eksena sa terminal ng MCU. Tulad ng mga kawad ng kuryenteng nakapalibot dito, buhol-buhol din at paikot sa gitna ng nagbabagang sikat ng araw kaming mga komyuter na naghihintay na mahango mula sa nakabuburyong kalsada. Kaya naman sa halip na sumakay ng jeep, napilitan akong mag-bus.
Sa EDSA Carousel, lalong tumingkad ang lamat ng sistema.
“Dose pa rin?” gulat kong tanong.
“Wala pang approval sa taas,” tugon ng konduktor. Dahil sa usad-pagong na paghatid ng gobyerno sa nararapat na tulong, namumulubi na ang mga tsuper sa pilit na pagbiyahe kahit lugi.
Pagdating ko sa SM North, ang mahabang pila na dati’y tuwing UP Fair ko lang nakikita; naging permanenteng tanawin na.
Isang drayber ang naupo sa tabi ko bilang pasahero. May bimpo sa leeg at nakaasul na polo shirt. “Hindi ka bumiyahe?” tanong ng drayber na aming sinasakyan. “Mamaya na, alas-tres,” sagot niya.
Doon ko napagtanto: ang luwag ng daan ay hindi ginhawa, kundi gutom. Bakante ang kalsada dahil ang mismong mga kawal nito ay wala nang panggatong sa kanilang mga sandata.
Libo-libong milya man ang layo ng gulo dulot ng agresyon ng US at Israel sa Iran, ang mga pira-pirasong bakal ng digmaan ay tumatama nang diretso sa sikmura ng mga Pilipino. Habang ang mga naglalakihang korporasyon ay nananamantala sa krisis, nananatili namang bingi sa bawat daing ng masa ang gobyerno.
Lalong bumigat ang pasan kong bag — hindi dahil sa mga libro, kundi dahil sa mga kwentong nasaksihan ko sa biyahe.
Ibang ingay na ang bumubungad sa akin sa kalsada: ingay ng digmaan laban sa inhustisya at mga polisiyang mapang-api.
Ngayong nasa kalsada ang digmaan, sa kalsada rin ang takbo ng masa habang bitbit ang nag-aalab na galit upang magsilbing panggatong sa mga panawagan laban sa araw-araw na inhustisyang danas. At kailanman, ito ang apoy na hindi pasisiil.
Author
Latest Posts