Umaarangkada araw-araw ang mga tsuper upang lumaban nang patas at makapaghatid ng pagbabago sa kanilang pamilya at sa ating bansa, ngunit kawalang-katarungan ang sinusukli sa kanila ng pamahalaan.
Sa paggunita natin ng ika-84 na Araw ng Kagitingan, kalbaryo sa patas na laban ng mga tsuper ang walang prenong pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo. Nito lamang Miyerkules, Abril 8, pumalo na sa P140 hanggang P150 ang presyo ng diesel, P100 sa gasolina, at P160 hanggang P170 sa kerosene.
Bagaman ang pangunahing sanhi ay ang digmaang US-Israel laban sa Iran, na nagdulot ng limitadong operasyon ng Strait of Hormuz, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang kawalang-kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa ganitong suliranin.
Sa bisa ng Oil Deregulation Law of 1998, tanging mga korporasyon–hindi pamahalaan–ang may kontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo. Naging litaw agad ang implikasyon nito noong nakaraang buwan nang pumutok ang giyera, kung saan 71 gasolinahan ang maagang nagtaas ng presyo ng langis at nagpataw ng overpricing.
Nilalagay sa panganib ng naturang batas ang mga tsuper at masang Pilipino dahil nagiging paksa tayo ng kasakiman ng mga korporasyon na ang pangunahing prayoridad ay ang kanilang interes sa halip na ang kapakanan ng publiko.
Binigyang-linaw din ng krisis na ito ang dagok na epekto ng buwis na ipinataw sa mga produktong petrolyo. Sa P150 na presyo ng diesel, aabot sa P24 kada litro ang buwis na makukuha ng gobyerno–P6 mula sa excise tax at P18 mula sa value added tax (VAT).
Sa isang araw ng bawat tsuper na 30 litro ang pinaglalaanan ng bulsa, aabot sa P720 ang buwis na kanilang ibinabayad. Mas mataas ito sa pinakamataas na minimum wage sa bansa na P695 para sa non-agricultural sector sa NCR.
Hindi maitatangging mahalaga ang buwis sa pagmamaneho ng bansa sa kaunlaran ngunit nagiging instrumento na ito ngayon upang apihin ang mga tsuper at masang Pilipino dahil sa halagang binabawas nito sa mga bulsang kaya pa sanang magpakain ng mga kumakalam na sikmura.
Mula sa pribadong sektor hanggang sa pamahalaan, lugi ang mga tsuper at publiko sa krisis sa langis dahil sa mga mekanismong nakalatag para dito. Likas ang pagkiling ng mga korporasyon at ng gobyerno sa pera at kapangyarihan, pero hindi sa ikabubuti ng publiko lalo na sa mga malulubhang krisis na kayang maremedyuhan gamit ang mga makamasang polisiya.
Sa harap ng lantarang panggigipit sa masa, kinakailangang tumindig ang lipunan para sa kapakanan ng nakararami.
Ngayong Araw ng Kagitingan, ibinubusina ng Union of Journalists of the Philippines – UP Diliman ang panawagan ng mga tsuper na agaran at epektibong kumilos ang pamahalaan upang pababain ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ibasura ang Oil Deregulation Law of 1998, gawing P55 muli ang presyo ng langis, ipatupad ang fare hike, itaas ang minimum wage sa P1,200, isabansa ang industriya ng langis para mabenta sa mas mababang halaga, at ibasura ang excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo!
Nararapat magkaroon ng kritikal, malawak, at walang-patid na pag-uulat ng midya upang umalingawngaw sa publiko ang mga makamasang polisiya na tutugon sa krisis sa langis. Magiging daan ito para maipakita sa pamahalaan ang bigat ng suliraning kinakaharap ng bansa, kung kaya’t nararapat lamang na ang mga solusyong ipatutupad ay may kapantay na bigat at bisa.
angga’t nananatiling gasgas ang sistemang nagmamando sa presyo ng langis sa bansa, patuloy na haharurot ang ating lipunan para tahakin ang landas kung saan walang katiyakan at katarungan. Ihatid natin sa realidad ng buhay ang mga makamasang polisiyang tutugon sa pangangailangan ng mga tsuper, para sa mga tsuper.
Para kay Mang Benny Medina, isang jeepney driver na P56 lamang ang kinita matapos ang P1,200 binayad niya sa langis — kapos pa para sa P60/kilo na bigas.
Para kay Mang Antonio Escabas, isang jeepney driver na ipinapalista na lang bilang utang sa kaniyang operator ang kaniyang balanse sa boundary dahil ang P100 hanggang P150 niyang kinikita para dito ay hindi sapat.
Para kay Mang Joel Abelinde, isang jeepney driver na naghihikahos na sa hininga dahil nauubusan na ng bigas.
Para kay Mang Joel Poliquit, isang tricycle driver na hindi na nakakapagtabi ng pambayad sa pagkain at upa.
Para kay Manang Maricar Banania, isang tricycle operator na P200 na lang ang naiuuwi na hindi sapat para bumili ng pagkain.
At para sa lahat ng mga tsuper na nakakasalamuha natin bawat araw, na patuloy na kumakapit sa kanilang kabuhayan.
Isinasabuhay nila ang kakaibang kadakilaan ng mga Pilipinong sumusuong sa hirap ng buhay sa harap ng mapagsamantalang lipunan. At sa kabila ng pagkakaroon ng hindi patas na sistema, araw-araw katuwang ng masang Pilipino ang mga tsuper na kumayod nang patas, may dangal, at may tapang.
Sa panahon ng panggigipit ng mga naghaharing-uri sa mga tagapaghatid ng pagbabago, samahan natin ang mga tsuper sa pagtindig para maipaglaban ang kanilang karapatan at dignidad!
Sa bagtas ng pasada, kaboses ang midya!
Latest Posts