Ginugunita natin ngayong araw ang ika-83 taon ng Araw ng Kagitingan bilang tanda ng kadakilaan at katapangan ng mga Pilipinong lumaban sa Imperyalistang Hapon upang igiit ang kalayaan ng ating bansa
Bagaman higit walong dekada na ang nakalipas, nasa kamay pa rin tayo ng mga mapang-aping imperyalista, tulad ng Estados Unidos (U.S.) at Tsina, na patuloy na nanggigipit at nagpapahirap sa masang Pilipino.
Una na rito ang lumalalang presensiya ng militar ng U.S. sa bansa. Nitong Marso 28 hanggang 29, bumisita sa bansa si U.S. Defense Secretary Pete Hegseth at nakipagpulong kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Isa sa mga naging paksa ng kanilang pulong ang inaasahang pinakamalaking Balikatan Exercises ngayong taon na gaganapin mula Abril 21 hanggang Mayo 9 sa Northern Luzon, mga teritoryong malapit sa Taiwan at sa West Philippine Sea, kung saan patuloy ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Sa pagtatayo ng mga base militar sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at pagsasagawa ng Balikatan Exercises ng U.S. dito sa Pilipinas, lalong pinapalala ng Amerika ang pakikipaggigitan nito sa imperyalistang Tsina na umiipit sa mga Pilipino sa gitna ng digmaan.
Patuloy din ang panghihimasok at pang-aangkin ng Tsina sa West Philippine Sea. Kasabay nito ang pang-aapi ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga mangingisdang Pilipino at sa Philippine Coast Guard (PCG). Nitong Abril 6, hinarang at halos banggain ng barko ng CCG ang barko ng PCG na BRP Cabra halos 170 km mula Zambales. Kamakailan lang ay binalik din ng Tsina ang floating barriers sa Scarborough Shoal upang pigilan na makapaglayag dito ang mga mangingisdang Pilipino.
Sa gitna ng tunggalian sa pagitan ng imperyalistang U.S. at Tsina, lantarang tinataksil ng rehimeng Marcos-Duterte ang masang Pilipino dahil sa patuloy nitong pagpapakatuta sa mga makadayuhang interes. Nilalapit lamang ni Marcos Jr. sa giyera at kapahamakan ang Pilipinas.
Gayunpaman, hindi umiikot ang imperyalismo sa usapin ng teritoryo lamang sapagkat nananatili pa rin ang impluwensya ng mga imperyalista sa ating ekonomiya, pulitika at kultura. Namamayani ang mga produkto ng mga dambuhalang korporasyon sa lokal na merkado at pagsasamantala sa lakas-paggawa ng ating mga kababayan. Pilit nilang kinokontrol ang mga batas at patakaran natin ukol sa pakikipagkalakalan, pinansiya at edukasyon upang mapangalagaan ang kanilang mga interes. Walang habas din ang pagpapalayas, pananakot, pang-aabuso at pagpatay sa mga kapatid nating katutubo upang maagaw ang kanilang mga lupang ninuno at mapakinabangan ang mga likas na yaman nito.
Ngayong Araw ng Kagitingan, nakikiisa ang Union of Journalists of the Philippines – UP sa panawagang igiit ang ating pambansang soberanya at kasarinlan. Palakasin din natin ang ating panawagang pabagsakin ang imperyalistang U.S. at Tsina na siyang ugat ng paghihirap ng masang Pilipino. Patuloy nating singilin at panagutin ang rehimeng Marcos-Duterte sa patuloy nitong pagyakap sa interes ng mga imperyalistang bansa.
Hangga’t patuloy ang pagpapakatuta ng estado sa mga imperyalistang bansa, mananatiling huwad ang kalayaang tinatamasa ng Pilipinas. Huwag nating hayaang mawalan ng saysay ang kagitingan at katapangan ng mga Pilipinong lumaban upang palayain tayo noon mula sa kamay ng mga mapang-api.
Ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino! Tutulan ang panghihimasok ng mga imperyalistang kapangyarihan sa bansa!
Latest Posts