Taon-taon, tuwing Mayo Uno, ginugunita natin ang kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawa. Ngunit higit sa pag-alala, ito ay araw ng paniningil sa estadong patuloy na nagpapahirap at umaapak sa karapatan ng bawat Pilipinong nagbabanat ng buto.
Kahit anong diskarte sa pagtitipid, hindi pa rin sasapat ang sahod ng mga manggagawang Pilipino para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ayon sa datos ng IBON Foundation, mula 2000 hanggang 2023, tumaas ng 62% ang worker productivity, samantalang 9% lang ang itinaas ng minimum na pasahod. Malinaw ang agwat — mas yumaman ang mga kumpanya, ngunit naiiwan ang mga manggagawa.
Kaya naman, nananawagan ang iba’t ibang labor groups sa agarang pagpasa ng panukalang P200 na dagdag-sahod na siyang pinakaunang legislated wage increase sa loob ng 36 na taon. Patuloy na nananawagan ang mga grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpauna ang panukalang ito upang maisabatas ito bago matapos ang 19th Congress ngayong Hunyo. Kung hindi ito maipapasa, mahabang paghihintay na naman ang gugugulin ng mga manggagawa para sa kakarampot na umento sa sahod.
Bagman makakatulong ang P200 wage increase sa mga manggagawa, kulang pa rin ito upang matugunan ang batayang pangangailangan nila sa araw-araw. Ipinapatambol ngayon ng uring manggagawa ang panawagan para sa nakabubuhay at makataong sahod na hindi bababa sa P1,200 kada araw. Sakto lang ito upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa pagkain, paninirahan, pagpapagamot at transportasyon, ayon sa labor groups. Sa kasalukuyan, P645 lamang ang minimum wage sa National Capital Region (NCR), habang mas mababa pa ito sa ibang rehiyon gaya ng BARMM na nasa P361. Kung hindi na ito sapat para sa mga manggagawa sa NCR, paano pa para sa mga mangagawa sa ibang lungsod at kanayunan?
Hindi lang mababang sahod ang problemang kinakaharap ng mga manggagawa. Patuloy rin ang kontraktwalisasyon sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Sa polisiyang ito, walang katiyakan sa trabaho, walang benepisyo, ipinagkakait ang karapatang mag-unyon at kadalasan ay mas mababa pa sa minimum ang sahod ng mga manggagawang kontraktwal. Sa halip na wakasan ang ganitong mapagsamantalang kalakaran, pinahihintulutan pa ito ng administrasyon upang huthutin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa.
Tatlong taon na sa posisyon si Marcos Jr. at tatlong taon na rin itong walang direktang diyalogo sa grupo ng mga manggagawa, ayon sa Philippine Labor Movement. Sa halip na pakinggan ang hinaing ng mga manggagawa, pilit pa silang pinatatahimik at ginigipit ng estado. Ilan sa kanila ay sinampahan ng gawa-gawang kasong terrorism financing, tulad ni Michael Cabangon na tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno. Si Cabangon ang ika-12 aktibistang mula Northern Luzon na kinasuhan sa ilalim ng anti-terrorism financing law mula nang umupo sa puwesto si Marcos Jr. Ang iba sa kanila ay dinakip at nananatiling nakakulong, tulad ni Maoj Maga, na siyang unang dinakip sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa ngayon, umabot na sa 25 ang mga bilanggong pulitikal mula sa hanay ng mga manggagawa.
Kasabay rin nito ay ang ating panawagan para sa mas malakas na proteksyon para sa mga manggagawa sa midya. Nitong Martes, Abril 29, napabalita ang pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Juan “Johnny” Dayang sa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Kalibo, Aklan. Mahigit 200 na ang bilang ng mga mamamahayag na pinatay sa Pilipinas mula 1986, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines. Walang sinumang manggagawa ang ligtas hangga’t hindi natutuldukan ang kultura ng walang pakundangan.
Hindi hiwalay ang mga panawagan ng uring manggagawa sa pakikibaka ng mga alagad ng midya para sa mas nakabubuhay na sahod, ligtas na pantrabahong kondisyon at mas maayos na antas ng pamumuhay. Sa bawat paglambing ng ating mga panulat sa papel ay ang pagtaas din ng ating kamao tungo sa bukas na may pagkilala sa karapatan ng sinumang nagbabanat ng buto.
Ngayong Mayo Uno, mariing kinukundena ng Union of Journalists of the Philippines – UP ang lahat ng porma ng pang-aatake sa uring manggagawa. Kaisa rin ang Unyon sa pagpapanawagan para sa P1,200 na nakabubuhay at makataong sahod, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagbabasura sa gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibistang manggagawa at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Patuloy rin nating panagutin at singilin ang rehimeng Marcos-Duterte sa patuloy nitong pagkiling sa makadayuhang interes at pagsasawalang-bahala sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
Taon-taon man nating ginugunita ang Mayo Uno, iisa pa rin ang panawagan ng uring manggagawa. Hangga’t nagpapatuloy ang pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino, patuloy din ang ating militanteng pagkilos, paninindigan at pagkakaisa para sa makatarungang kinabukasan!
Latest Posts