Sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nakikiisa ang Union of the Journalists of the Philippines – UP (UJP-UP) sa pakikibaka ng taumbayan laban sa korapsyon at sa kultura ng karahasan at impunidad na laganap sa administrasyong Marcos at Duterte.
Apat na dekada na ang lumipas mula noong pabagsakin ng mamamayang Pilipino ang marahas na rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. ngunit hanggang ngayon ay hinaharap pa rin ng masang Pilipino ang katiwalian ng mga salaring sangkot sa pangungurakot at malawakang paglabag ng karapatang pantao.
Sa pamamahala ng kaniyang anak at katukayong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy pa ring binabayaran ng dugo’t pawis ng masang Pilipino ang inhustisyang nauugat pa sa panahon ng kaniyang ama.
Habang ipinagmamalaki ng administrasyon ni Marcos Jr. ang mabuting pakikitungo sa midya, laganap pa rin ang red-tagging, pagdakip at pagpaslang sa mga mamamahayag at aktibista. Patunay rito ang hindi makatarungang pagkakakulong at paghatol ng gawa-gawang kaso ng “financing terrorism” laban kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil.
Sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., walong mamamahayag ang pinatay at 15 aktibista ang sapilitang dinakip ayon sa National Union of Journalists of the Philippines at Karapatan. Kabilang dito ang labor activist na si James Jazmines, environmental at indigenous rights activist na si Felix Salaveria Jr. at marami pang hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.
Batay sa mga tala ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), umaabot sa P170 bilyong piso ang ill-gotten wealth kaugnay ng diktadurya ni Marcos Sr. Habang hindi pa nga tuluyang napananagot at nababayaran ang utang na ito, dumagdag pa ang nailantad na sistematikong pang-aabuso at katiwalian sa pamamagitan ng palyadong flood control projects at ghost projects na nagkakahalagang P180 bilyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin nananagot ang mga pangunahing salarin ng kasong ito.
Daan-daang libong Pilipino ang bumuo sa EDSA People Power Revolution, na ginugunita bilang pinakamalaking pagpapakitang pwersa ng taumbayan. Ito ay simbolo ng kapangyarihang may kakayahang panagutin ang administrasyong tahasang inilalagay sa panganib ang kabutihan at kaligtasan ng mamamayan.
Sa harap ng walang humpay na panggigipit at pagtataksil ng gobyerno sa bayang lulong sa kahirapan, malinaw ang papel ng peryodismo: itaguyod ang karapatan at katarungan sa lipunan. Patuloy ang walang humpay at walang takot na pagtatala ng kasaysayan at pag-uulat ng katotohanan.
Latest Posts