Ngayong araw, ating ginugunita ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Ang “mapayapang” rebolusyon na ito ay inanak ng halos dalawang dekadang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. — ama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — na umutang ng dugo at isinawalang-bahala ang mga karapatan ng milyun-milyong Pilipino upang bigyang-daan ang kanilang pagpapakasasa sa kapangyarihan at kaban ng bayan.
Ayon sa international human rights organization na Amnesty International, 3,257 ang naitalang extrajudicial killings, 35,000 ang tinortyur, 77 ang mga desaparecidos at 70,000 ang mga nakulong sa ilalim ng Batas Militar.
Kabilang ang midya sa naging biktima ng diktadura. Isa sa hudyat ng kawalan ng demokrasya sa bansa ang sapilitang pagkontrol ng estado sa mga tagapagtanggol ng katotohanan. Ang midya, na siyang instrumento sa pagbibigay-linaw sa isa sa pinakadilim na yugto ng kasaysayan ng Pilipinas, ang unang inatake ni Marcos Sr. upang magtagal ang kaniyang pananahan sa Malacañang.
Matapos ang matagumpay na rebolusyon noong 1986, naghahari-harian muli ang pamilyang pinatalsik ng mga Pilipino. Halos anim na dekada man ang agwat ng administrasyon ng mag-ama, walang pinag-iba ang rehimeng Marcos Sr. at Marcos Jr. Nagpapatuloy lamang ang pang-aabuso sa karapatang pantao, kawalan ng hustisya sa mga naging biktima ng pandarahas ng estado at ang kawalang pananagutan nito.
Sa tala ng Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center, 910 na ang namatay mula sa drug-related killings simula nang maupo bilang pangulo si Marcos Jr. noong 2022. Hindi pa rin umuusad ang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng rehimeng Duterte at iwas pa rin ang kasalukuyang administrasyon na makipagtulungan sa International Criminal Court upang panagutin si Duterte at kaniyang mga alipores na kumitil sa buhay ng libu-libong Pilipino.
Pinaslang din sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. ang mga mamamahayag na sina Juan Jumalon, Percy Lapid, Rey Blanco, Crecenciano Bunduquin at Maria Vilma Rodriguez.
Sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines, hindi bababa sa 199 ang pinaslang na mga peryodista matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986. Walang tunay na demokrasya sa bansang patuloy ang pagpatay sa mga alagad ng midya.
Patuloy din ang pagkitil sa diwa ng demokrasya ng ngayo’y ‘di magkaisang tambalan ng mga Marcos at Duterte. Susi sa kanilang pagkapanalo sa halalan noong 2022 ang makinarya ng kasinungalingan na siya ring nagiging instrumento sa pilit na pagbubura ng madugong alaala ng diktadurang Marcos.
Taon-taon mang ginugunita, nasa panganib pa rin ang kolektibong pag-alala sa EDSA People Power Revolution. Noong 2023, inilipat ni Marcos Jr. sa Pebrero 24 ang paggunita sa EDSA dahil sa “holiday economics,” samantalang hindi man lang ito kinilala bilang holiday ng Malacañang noong 2024. Ngayong taon, isa lamang itong special working holiday. Walang ibang rason ang pagpapalit-palit ng araw sa paggunita ng #EDSA39 kundi ang pagbabaluktot ng kasaysayan.
Sa isang demokratikong bansa, nakakabahala na ang batas ay ginagamit pa rin bilang panakot ng estado sa taumbayan. Ang patuloy na red-tagging ng NTF-ELCAC at paggamit ng Anti-Terrorism Law laban sa mga kritiko ng administrasyon, kabilang ang mga mamamahayag, ay pagsikil sa boses ng mamamayan na makilahok sa mga usaping pambansa. Mula sa pag-aresto kay Frenchie Mae Cumpio noong 2020 dahil sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms at terrorism financing, at kamakailang pag-aresto kay Deo Montesclaros dahil din sa umano’y terrorism financing, walang humpay ang administrasyon sa pambubusal laban sa mga naglalakas-loob na isiwalat ang bulok nitong pamamalakad.
Ngunit hindi nito maaapula ang naglalagablab na hangarin ng taumbayan para sa tunay na pagbabago. Sa isang lipunang may pagkilala sa kasaysayan, hindi magwawagi ang mga yumuyurak sa katotohan.
Kaisa ang Union of Journalists of the Philippines – UP sa tikas ng paglalathala ng totoong sitwasyon ng lipunan at sa pakikibaka para sa Pilipinas na ‘di nakagapos sa kultura ng karahasan at kawalang pananagutan. Sa panahon ng pang-aatake, panggigipit, panunupil at lantarang pagbabaluktot ng kasaysayan, mananalaytay ang diwa ng EDSA People Power Revolution dahil ito’y hindi lamang isang yugto ng ating nakaraan, kundi isang simbolo ng nagkakaisang lakas ng ating bayan.
Latest Posts