Mariing kinukundena ng Union of Journalists of the Philippines – UP ang pag-isyu ng subpoena sa isang kampus mamamahayag kaugnay ng mga nagdaang kilos-protesta kontra korapsyon noong Setyembre 21.
Si Jacob Baluyot, Associate Editor ng The Catalyst at National Chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag – PUP, ay lumahok sa pagkilos na ginanap sa Mendiola upang mag-ulat at tiyakin ang kaligtasan ng mga kapwa niyang mamamahayag. Ngunit tulad ng daan-daang mga tao at sibilyang inaresto, hindi nakalaya si Baluyot mula sa paniniil ng kapulisan.
Noong Oktubre 7 ay nakatanggap si Baluyot ng subpoena mula sa Philippine National Police (PNP) kung saan nakasaad ang kanilang layuning imbestigahan ang “violent incidents” na ginanap sa mobilisasyon sa Mendiola. Kalakip nito ang banta na ang hindi pagtugon ay hahantong sa pagsampa ng kasong Indirect Contempt for Court.
Hindi ito ang unang beses ng pananakot at pang-aabuso ng kapulisan sa mga estudyanteng alagad ng midya. Sa katunayan, isang linggo pa lang ang nakalipas mula nang palayain si Gio Caballes, kapwa estudyante mula sa PUP na inaresto at ikinulong dahil sa kaniyang pamamahayag sa nasabing pagkilos.
Malinaw sa Unyon na ito ay isang tahasang tangka ng estado na supilin ang malayang pamamahayag. Patuloy ang pagsisikap ng mga kapulisan at ng kanilang mga pinagsisilbihang opisyal na patahimikin at takutin ang mga alagad ng midya.
Sa ilalim ng pasistang pamamahala, ‘di hamak na mas mabilis at mas mahigpit ang batas pagdating sa mga ordinaryong mamamayan, kabilang na ang mga estudyante, na pawang nagpapamalas ng kanilang karapatang magprotesta.
Ngunit naninindigan kami na ang paglalathala ng katotohanan sa protesta at sa likod ng karahasan ng kapulisan noong Setyembre 21 ay hindi krimen. Ito ay isang responsibilidad tungo sa malayang pamamahayag. Higit kailanman, nananawagan ang UJP-UP na itigil ang kriminalisasyon ng mga mamamahayag na lumalaban para sa katotohanan at hustisya.
Latest Posts