
Nilamon ng kadiliman ang mga bahay at hanapbuhay ng mga residente sa Talaba Dos, Cavite mula nang itinakdang tatamaan ang kanilang lugar ng reklamasyon para tayuan ng LRT.
Napipilitan ang mga residente na sirain ang kanilang mga kabahayan, sa takot na maunahan ng mga awtoridad ang paggiba ng kanilang mga tahanan.

Dineklarang “danger zone” ang kanilang lugar, na kung saan pinagbabawalan na silang manirahan at makapangisda dahil sa reklamasayon.
Ang mga proyekto ay naglalayong paunlarin ang lugar ng Bacoor, Cavite, kabilang ang Talabas Dos.

Ito ay bunga ng pagtatayo ng LRT mula Maynila hanggang Cavite at ng reclamation project para sa access way na sasakop sa humigit-kumulang 310 ektaryang lupain sa buong Cavite.

Sa pagpapaalis sa mga residente sa komunidad, napipilitan silang wasakin ang kanilang kabahayan para mapakinabangan ang mga parte nito.
Isa na rito ang mga kable na kinukuha nila at iba pang kalakal para maibenta sa junk shop, upang kahit papaano’y may maipandagdag sila sa muling pagbangon.

Ang simpleng pangingisda at pagpaparami ng mga tahong ay ngayo’y naging mailap na kabuhayan para sa mga residente sa lugar.

Isa si Aryana, Secretary General ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) – Cavite, sa nagsusulong sa karapatan ng mga mangingisda sa reklamasyon.
Para sa kaniya, ang laban ng mangingisda ay hindi lang para sa kanilang trabaho, kundi laban din para sa buhay ng kanilang mga pamilya.

Ang kalagayan ng kanilang hanapbuhay ngayon ay malayo na sa dati noong wala pang reklamasyon.
Kung noon ay sapat pa ang kinikita para sa pamilya, ngayon, ang bawat tahong at isdang nahuhuli ay kasing halaga ng bawat pagkaing maihahanda sa hapag-kainan.

Ayon sa PAMALAKAYA – Cavite, tinatayang 95 na coastal barangay na may halos 335,000 na mga residente ang matatamaan ng mga reclamation project sa Manila Bay.

Ang mga kababaihan, tulad ni Ate Maye, ang naglilinis ng mga tahong na nahuli ng mga magtatahong — karamihan sa kanila’y lalaki — bago ito dalhin sa fish port.

Suwerte na raw kung umabot ng 200 piso ang kinikita sa isang araw, limang piso lang kasi ang bayad sa bawat galon ng tahong na buong maghapon nilang nililinis.

Bukod sa reklamasyon at kawalan ng sapat na hanapbuhay, dagdag-pasanin ng komunidad ang palpak na mga flood control project na wumasak din ng mga kabahayan para maisakatuparan.
Ayon sa PAMALAKAYA, mahigit 100 flood control projects ang itinayo sa Bacoor, at humigit-kumulang 140 sa buong Cavite.

Kung ang kabuhayan at karapatan ng mga mangingisda ng Talaba Dos ay pilit na pinalalabo kapalit ng kaunlaran, paano na ang dalampasigan na pagtatampisawan ng susunod na henerasyon?
Kaya sa panibagong bukas na naghihintay para sa komunidad ng Talaba Dos, hiling nila na mabigyan sila ng pagkakataong malayang makapaghanap-buhay muli sa sarili nilang tahanan.
Author
Latest Posts
Photo | Allyana Barquir