Union of Journalists of the Philippines – UP

Kampuhang magbubukid, idinaos para sa tunay na reporma sa lupa

Dito naglalagi ang mahigit 40 magsasaka sa “Kampuhang Magbubukid para sa Lupa at Laban sa Korapsyon,” na nagsimula noong Okt. 15 at magtatagal hanggang bukas, Okt. 21.

Bagaman salat sa pera, nag-ipon at nag-ambagan ang mga magsasaka mula Negros at iba pang rehiyon para makarating sa tanggapan ng DAR. 

Para kay Rody Aguinaga, 48, importante ang pagpunta sa sentral na opisina ng DAR para ipaglaban ang kanilang lupa dahil wala silang nakukuhang tulong mula sa DAR Negros Occidental. 

“‘Pag pumunta ka doon, humingi ka ng tulong, wala ka, walang tutulong sa’yo. Wala kang magawa sa kanila doon. Kaya napilitan kami na lumuwas ng Maynila,” ani Aguinaga. 

Mahigit tatlong dekada nang nagsasaka si Aguinaga sa Hacienda Chiquita, E.B. Magalona sa Negros Occidental magmula 14 na taong gulang pa lamang siya.

Sa arawang kita na P250 hanggang P300, pinagsisikapan niyang buhayin ang dalawang anak na nasa hayskul at isang pamangking ulila sa ina.

Ngunit sa tinagal-tagal na niyang nagsasaka, nananatiling walang sariling lupa si Aguinaga at nanganganib pang mapalayas sa lupang kaniyang sinasaka.

Katulad ng ibang magsasaka sa Negros Occidental, pinangakuan silang mapapasakanila ang Hacienda Chiquita matapos mabigyan ng Collective Land Ownership Award (CLOA) noong 2019 sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Isinabatas ang CARP noong 1988 upang ipamahagi sa maliliit na magsasaka ang mahigit limang milyong ektarya ng lupaing pansaka sa bansa.

Ngunit wala pang tatlong taon ay binawi umano ng DAR ang CLOA. 

Napag-alaman ng mga pesante mula sa alkalde ng E.B. Magalona na ipinagbili na ang kanilang sinasakang lupain upang magamit sa road widening project. 

“[Ipinagbibili nila] para bigyang daan ‘yong mga subdivision sa loob na ginagawa ng mga malalaking negosyante rin doon. Parang naipit ‘yung mga magsasaka,” ani Danilo Tabura, tagapagsalita ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) – Negros.

Dagdag niya, tinanggal na rin ng DAR ang Notice of Coverage (NOC) ng CARP sa Hacienda Chiquita. Sa pagbawi ng NOC, nawawala ang proteksyon ng mga lupaing pansakang dating saklaw ng CARP mula sa komersyalisasyon at iba’t ibang uri ng land conversion. 

Lumalala rin ang presensya ng militar na nagpapalayas sa mga pesante sa kanilang lupain, ayon kay Tabura.

Hindi bababa sa 48 magsasaka ang pinaslang sa rehiyon ng Negros mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024, batay sa datos ng KMP.

Pagsasalaysay ni Tabura, nakaranas pa ng pananakot ang mga pesante ng Hacienda Chiquita noong dumulog sila sa lokal na pamahalaan ng E.B. Magalona. May mga kaso rin aniyang inaalok ng pera ang mga magsasaka kapalit ng kanilang katahimikan.

“Pero ayaw [nilang tanggapin] dahil ‘pag kinuha ‘yung pera, hindi na sila makikibaka,” ani Tabura.

Ngunit sa kabila ng pananakot at pagsasawalang-bahala sa kanila, hindi anila titigil ang mga magsasaka ng Negros na ipagpatuloy ang paggiit sa kanilang karapatan sa lupaing sila mismo ang nagbubungkal.

Nakatakdang magsagawa ng dayalogo ang DAR at mga magsasaka sa kampuhan ngayong Okt. 20.

Ayon kay Tabura, mapipilitan silang bumalik sa tanggapan ng DAR kung walang magiging resolusyon sa kanilang mga panawagan sa pagtatapos ng kampuhan.

“Babalik kami kasi kailangan tingnan talaga nila ‘yong problema ng mga magsasaka sa Negros,” aniya.

Bilang pagtatapos sa kampuhan, makikiisa ang mga magsasaka sa “Baha sa Liwasang Bonifacio” bukas, Okt. 21, kasama ang mga kapwa nila magsasaka, pesante at iba pang sektor.

  • EJ Cruz

    EJ Cruz is Tambuli’s Editor-in-Chief and a publicity committee officer for the Union of Journalists of the Philippines – UP’s 37th year. He is from Batch 23AB – Dagundong.

Loading posts…

Discover more from Union of Journalists of the Philippines - UP

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading