Sa paggunita ng International Day of the Disappeared, tumitindig ang Union of Journalists of the Philippines – UP kasama ng mga pamilya at kaibigan ng mga desaparecidos sa pagkondena at paghingi ng pananagutan sa gobyerno upang ilitaw ang kanilang mga dinakip na mahal sa buhay.
Labing-anim sa mga desaparecidos ang nananatili pa ring nawawala mula noong umupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ayon sa dokumentasyon ng mga grupong KARAPATAN at Desaparecidos Philippines.
Kabilang na rito sina Indigenous Peoples rights advocate na si Gene Roz Jamil “Bazoo” De Jesus at lider-katutubong si Dexter Capuyan na mahigit tatlong taon nang hindi natatagpuan mula pa nang dinakip sila ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Taytay, Rizal noong Abril 28, 2023.
Ang pinakabagong naitalang biktima ng sapilitang pagkawala ay si Scarlet Lyne Gayo, na huling nakita noong Dis. 9, 2025. Bago ang kaniyang pagkakadakip, si Gayo ay nagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa epekto ng tagtuyot, bagyo at iba pang kalamidad sa mahihirap na pamayanan ng pagsasaka sa Rehiyon 2, dahilan upang mapalapit siya sa mga komunidad na matagal nang bantay-sarado ng militar.
Ayon pa rin sa nabanggit na tala ng KARAPATAN at sa inilunsad na web-based geo-referenced map ng Find the Victims of Involuntary Disappearance (FIND) noong Mayo 28, hindi bababa sa 1,900 hanggang 2,500 ang bilang ng mga kaso ng sapilitang pagkawala. Karamihan sa mga ito ay mula pa noong Martial Law ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong 1972.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi humuhupa ang pagbuo ng mga inisyatiba sa pagsulong ng hustisya.
Kinikilala ng Unyon na maraming naging mga hakbang ang mga organisasyon sa pagtataguyod ng usapin ukol sa mga desaparecidos, katulad ng nabanggit na proyekto ng FIND, at ng mga progresibong grupong patuloy na nag-oorganisa ng mga kilos-protesta upang kalampagin ang imbestigasyon sa sinapit ng mga biktima. Sa larangan ng pelikula, hindi rin makalilimutan ang “Alipato at Muog” ni JL Burgos na malaki ang naging ambag sa muling pag-usbong ng usapin sa mga desaparecidos.
Gayunman, tila ang taumbayan lamang ang patuloy na kumikilos para mapanagot ang mga tauhang sangkot sa mga pagkawala, dahil hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan at tikom pa rin ang bibig ng mga nasa itaas tungkol dito.
Hindi na nakapagtataka na ang paghahanap sa mga desaparecidos ay isa sa mga pinakahuli sa mga prayoridad ng pamahalaan at hinahayaan na lamang tayong manatiling naghahanap ng kasagutan sa mga sinapit nila.
Apat na taon na mula noong nahalal sa Malacañang si Marcos Jr., ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikitaan ng pagpupursigi ang estado sa paglitaw sa mga desaparecidos. Sa kurso ng kanyang termino, wala ring naging publiko at direktang komento tungkol dito ang kanyang administrasyon.
Makikita rin ang kawalang-bahala ng estado dahil hindi pa nilalagdaan ng Pilipinas ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPPED) nang ipinakilala ito noong 2010, na siyang naglalayon na ihinto at pigilan ang lihim at suportado ng estado na pag-aresto, pagdukot, o pagkawala ng mga tao. Ito na lang ang natitirang United Nations international human rights treaty na hindi niraratipika ng bansa.
Sa kabila ng pagsasabatas ng 2012 Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act (RA 10353), bihira ang pag-uusig sa mga kaso ng desaparecidos at kulang sa mga kinakailangang mapagkukunan ang mga mekanismo ng estado para sa paghahanap, ani Commission on Human Rights.
Sa gitna ng patuloy na kawalan ng agarang aksyon sa ilalim ng administrasyon ng Marcos Jr. ukol sa 16 na desaparecidos, nararapat lamang na patuloy na kondenahin ang pamamasista ng gobyerno. Patuloy ang pagpapatambol sa mga pinatahimik na boses ng mga desaparecidos na nangangahas kuwestiyunin ang pamahalaan.
Ngayon ay hinahamon ng Unyon ang administrasyong Marcos Jr. na itigil na nito ang paghuhugas-kamay sa mga kaso ng mga desaparecidos, i-ratify ang ICPPED, at sa huli, ay bigyan na ng linaw ang mga mahal sa buhay ng mga biktima na patuloy pa ring naghahanap ng kasagutan sa kanilang sinapit.
Ilitaw ang lahat ng desaparecidos! Ilitaw ang lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala! Wakasan ang impunindad!
#SurfaceAllDesaparecidos
#JusticeForTheDisappeared
#RatifyICPPED
#EndImpunity
Latest Posts