Walang pagbabago sa estado ng pamamahayag sa rehimeng Marcos Jr. Patuloy pa ring naghahari ang kultura ng impunidad at pasismo laban sa mga mamamahayag sa buong bansa.
Sa paggunita ng National Press Freedom Day ngayong Agosto 30, tinatanaw ng Break Free Alliance ang mas mabusising pagsusuri ng mga abuso laban sa karapatan ng mga peryodista sa Pilipinas.
Ngayong Hulyo naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang 256 kaso ng pag-atake laban sa mamamahayag ng administrasyong Marcos Jr. mula taong 2022 hanggang Hulyo 2026. Kabilang dito ang 12 na pagpaslang at 39 na insidente ng red-tagging ng mga peryodista sa buong bansa.
Sa kasalukuyan namang tala ng Reporters Without Borders ngayong taon, ika-114 lamang ang Pilipinas sa World Press Freedom Index. Itinuturing din ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag, sa kabila ng dapat na umiiral na demokrasya sa bansa.
Isa si community journalist RJ Ledesma sa mga minasaker ng militar sa Toboso, Negros Occidental noong Abril. Malaking bahagdan naman ng mga pinatay na peryodista ay mga radio broadcasters kabilang na si Percy Lapid, Juan Jumalon at Noel Bellen Samar.
Hanggang ngayon, wala pa ring nakakamit na hustisya para sa mga ninakawan ng buhay at pinigilang maglingkod sa sambayanang Pilipino.
Bukod pa rito, higit na napapalapit sa panganib ang mga community journalist sa pagsugpo sa kalayaan sa pamamahayag.
Ngayong taon lamang, kinasuhan ng unjust vexation ang community journalist na si Marchel Espina dahil sa isang opinion article na inilathala habang siya ang punong patnugot ng SunStar Cebu, at patung-patong na kaso naman ng unjust vexation, estafa at cyberlibel ang isinampa laban sa community radio broadcasters na sila India at Jay Lavapiez dahil sa kanilang kritikal na pamamahayag laban sa mga anomalya sa kanilang lokal na pamahalaan.
Ang community journalist na si Frenchie Mae Cumpio, ay anim na taon nang nakapiit sa kulungan bago pa man mahatulan ng gawa-gawang kaso ng terrorism financing, at ngayo’y mananatili pa ring nakakulong nang hindi bababa sa 12 na taon.
Hindi rin namin nakaliligtaan na karamihan sa mga kasong ito ay mula sa mga lokal na pulitiko, pulisya’t militar at relihiyosong grupo — isang ganap na manipestasyon ng paggamit ng mga batas upang supilin ang kritikal at mapangmulat na pamamahayag.
Si Marcos Jr. ay direktang kasabwat sa mga abusong ito dahil wala pa rin siyang ginagawang pagbabago matapos ang rekomendasyon ni UN Special Rapporteur Irene Khan sa dekriminalisasyon ng libel, pagpasa ng ganap na Freedom-of-Information (FOI) law at pagrerepaso ng anti-terror laws sa bansa.
Kahit na naipasa na sa House of Representatives ang House Bill No. 9465 o ang Digital Media Anti-False Information Act, tahasan ang pagtutol ng iba’t ibang media organizations ukol dito. Huwad na panukala lamang ito na walang balak parusahan ang tunay na nagpapakalat ng disimpormasyon sa sambayanang Pilipino. Ito lang din ang magiging susunod na armas ng estado laban sa mga peryodista at kritiko nito.
Malabo ang makakuha ng karampatang hustisya para sa mga pinaslang at ikinulong na mga peryodista sa buong bansa. Wala ring kawala ang mga mamamahayag sa pisikal pang-aabuso, arbitraryong pag-aresto at pananakot ng pulisya.
Ang mga photojournalist na si Bullit Marquez at Rene Dilan ay tinangkang arestuhin ng Pasay City police habang panandaliang inaresto naman si Jian Sanz noong July 22 kaugnay ng isang malaking kilos-protesta laban sa Pax Silica.
Noong nakaraang taon ay hindi naman bababa sa sampu ang inatake ng pulisya na mga photojournalist, campus journalists at TV reporters sa malawakang kilos-protesta kontra korapsyon noong Setyembre 21, 2025.
Sari-sari ang paraan ng panunupil ng estado laban sa mga mamamahayag at hindi ito natapos kahit na lumaya na tayo sa batas militar, 53 taon na ang nakalilipas.
Hangga’t walang ikinukulong na may sala, at sumusulat pa rin ang mga organisasyon ng mga pahayag bilang pakikiisa sa malawakang laban para sa tunay na kalayaan mamamahayag, wala pa ring ganap na press freedom sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay mas maigting na ang responsibilidad ng mga mamamahayag dahil sa malawakang sistema ng korapsyon at information disorder sa buong bansa, ngunit ang sagot ng estado rito rito ay patuloy na pagpatay, pagpapakulong at pananakot sa mga nagsisiwalat ng katotohanan. Ngunit hindi tayo magpapadig sa takot sa kultura ng panunupil ng estado. Atin itong itakwil at ipalaganap ang peryodismo para sa lahat!
Ngayong National Press Freedom Day, kaisa ang Break Free Alliance sa panawagan ng bawat peryodista sa bansa na itigil ng estado ang panunupil sa malayang pamamahayag, at pagsasabatas ng legal na proteksyon para sa kawani ng midya.
Dapat ilantad at papanagutin ang bawat abuso ng estado laban sa mga mamamahayag!
Journalists are not terrorists! Defend press freedom!
#DefendPressFreedom
#FreeFrenchieMaeCumpio
#StopKillingJournalists
#JournalistsAreNotTerrorists
#BreakFree
#BreakFreeAlliance
Latest Posts