Noong madaling araw ng Hunyo 27, limang kabataang manggagawang pangkultura ang iligal na inaresto sa Pasong Buaya, Imus, Cavite. Kasama sa kanila sina Shinice Wacan at Ronald “Onad” Valderama ng Cavite Collective Alliance for Social Change (CCLASIC), isang grupong gumagamit ng sining upang ipahayag ang panawagan para sa lupa, kabuhayan, at hustisya.
Hindi pa man sila nakapagsimula sa kanilang protest art na layong tutulan ang demolisyon at komersyalisasyon sa kanilang komunidad, ay agad na silang tinakot at sapilitang dinala ng mga tauhan ng civil security sa barnagay hall, at kalaunan sa PNP Malagasang. Hanggang ngayon, ilang araw na silang nakakulong nang walang isinasampang kaso. Isa itong malinaw na kaso ng iligal na pag-aresto at detensyon.
Ang paniningil ng mamamayan ay hindi kailanman dapat ituring na krimen. Ang sining ng protesta ay hindi paninira, kundi paninindigan. Sa kasaysayan, ang sining ay naging kasangkapan ng paglaya. Hindi ito dapat patahimikin, lalo na kung ito’y nakaugat sa tunay na kalagayan ng masa.
Ang nangyari sa Imus 5 ay hindi isang hiwalay na insidente. Bahagi ito ng mas malawak na panunupil sa mga progresibong artista at organisasyon sa bansa.
Kaisa ng mamamayan, kami ay nananawagan ng kagyat na pagpapalaya sa Imus 5. Panagutin ang mga nasa likod ng iligal na pag-aresto. Ipaglaban natin ang karapatan ng bawat isa na magpahayag, lumaban, at lumikha!
Tulong ay malugod naming tinatanggap para sa pagkain, hygiene kits, at iba pang pangangailangan ng Imus 5
GCash: 09274130063 (A. V.)
Latest Posts